May 04, 2008 - Sunday
NEWS ADVERTISE About the company Contact Info ARCHIVES
SEARCH Abante-Tonite
HEADLINES
Abante Online
HEADLINES
 
P1 OIL HIKE LINGGU-LINGGO UMPISA NA
TONITE Reportorial Team/JB Salarzon/Tina Mendoza/Juliet de Loza/Noel Abuel/Rose Miranda
 

Nagsimula na ang kinatatakutang P1 oil price increase kada linggo sa gitna ng patuloy na pagsirit din ng presyo ng mga pangunahing bilihin.

Unang nagpatupad ng oil price hike kahapon ng umaga ang tatlong pinakamalaking kumpanya ng langis sa bansa na kinabibilangan ng Petron, Chevron (dating Caltex) at Pilipinas Shell. Sinundan ito ng Total Philippines at Eastern Petroleum at inaasahang magsusunuran na rin ang iba pang small oil players sa pagtataas ng kanilang mga produktong petrolyo.

Alas-12:00 kahapon ng tanghali nagpatupad ng oil hike ang Total at maging ang kanilang liquefied petroleum gas (LPG) ay tu­maas din ng P1 kada kilo­gram o P12 bawat tangke.

Ang mataas na presyo ng langis sa world market at patuloy na paglobo ng contract price sa LPG ang dahilan umano ng panibagong price adjustment.

Biyernes ng gabi nang ihayag ng Pilipinas Shell ang P1 price hike na epektibo ng alas-12:01 ng madaling-araw. Inanunsyo naman ng Petron at Chevron na alas-sais ng umaga ng Sabado ay magpapatupad din sila ng oil hike.

Ipinaliwanag ng mga kumpanya ng langis na patuloy ang pagsirit ng presyo ng kanilang produkto sa pandaigdigang pamilihan kaya kailangan nilang magtaas din ng presyo. Kailangan uma­nong mabawi nila ang P7 kada litro na lugi sa pagtaas ng presyo ng langis sa world market.

Ang panibagong oil hike ay pang-siyam nang pagtaas sa nakalipas na dalawang buwan.

LINGGU-LINGGONG PAGTAAS

Ipinahiwatig ng mga kumpanya ng langis na maaaring magkaroon pa ng oil price hikes sa mga susunod na linggo dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo nito sa world market.

Inaasahang hanggang sa buwan pa ng Hunyo ang gagawing linggu-linggong pagtataas at maaari umanong tumagal pa ito kung patuloy na tataas pa rin ang presyo sa pandaigdigang pamilihan.

Ayon kay Fernando Martinez, presidente ng Eastern Petroleum, ang ipapatong sa presyo ng langis ay hindi pa umano nakakasapat upang makabawi sila sa kanilang pagkalugi.

“Unless substantial price reversal happens, additional cost recoveries by oil can be expected at frequent intervals,” paliwanag ni Martinez.

DOE WALANG MAGAWA

Kaugnay nito, ina­min ng Department of Energy (DOE) na walang kapangyarihan ang kanilang tanggapan para mabatid kung magkano at kung hanggang kailan ang nagaganap na oil price increase dahil hindi umano sila isang price regulating body.

“We don’t announce how much the expected increase is. This is because we are not a price regulating body,” pahayag ni DOE Oil Management Bureau Director Zenaida Monsada.

OIL COMPANIES PAGPAPALIWANAGIN

Sinabi naman ni Press Secretary Ignacio Bunye na pagpapaliwanagin ng gobyerno ang mga oil companies kaugnay sa ginagawa nilang pag­kuwenta o computation sa ipinatupad na price adjustment.

Aniya, kailangang buksan ng mga kumpanya ng langis ang kanilang libro at magkaroon ng malinaw na accounting kung ano ang naging basehan sa kanilang computation. Sa ganitong paraan, malalaman aniya kung “reasonable” ang ginawang price adjustment.

Tiniyak naman ni Pilipinas Shell manager Bobby Kanapi na handa ang kanilang kumpanya sa anumang imbestigasyon hinggil sa serye ng oil price increase. Bukas umano ang libro ng kanilang accounts para sa audit at kasalukuyan na itong ginagawa ng DOE.

Idinagdag pa ni Kanapi na nakadepende ang kani­lang price adjustment sa galaw ng presyo sa world market at sakaling bumaba umano ang presyo ay agad din silang nagpapatupad ng rollback.

EMERGENCY MEETING NG TRANSPORT GROUPS

Samantala, apela ka­hapon ng Malacañang sa iba’t ibang transport groups na huwag nang pa­la­kihin pa ang proble­ma ng pamahalaan bunsod ng panibagong oil hike, kinastigo ng pinakamalaking mi­li­tanteng grupo sa trans­portasyon ang biglaang P1 oil hike.

Nagpatawag din umano ng emergency meeting ang Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operators Nationwide (PISTON) para pag-usapan ang kanilang susunod na hakbang.

Sinabi ni George San Mateo, secretary-general ng PISTON, na pinaplantsa na ng kanilang grupo ang gagawing malaking tigil-pasada sa buong bansa na posibleng isagawa sa susunod na linggo para iprotesta ang panibagong oil hike.

Ipinahayag naman ni Bunye na mas makabubuti kung daanin muna sa pag-uusap bago muling gumawa ng pagkilos ang mga transport group.

Binigyan-diin pa ni Bunye na pinag-aaralan na ng Department of Transportation and Communications (DOTC) ang mga posibleng solusyon para hindi gaanong mabigat sa mga tsuper ang epekto ng oil hike kabilang na umano ang diskuwento sa presyo ng diesel.

 

Microsoft Internet Explorer 7 HOME NEWS EDITORIAL AND OPINIONS PUBLIC SERVICE ENTERTAINMENT SPORTS GREETINGS FEATURES