MASALIMUOT ang buhay ng isang aktor, na kapwa artista ang mga magulang.
Nagkagustuhan ang mga magulang niya sa mga pelikulang ginagawa ng mga ito.
Nag-live in ang dalawa, nagkaanak at naghiwalay.
Nagkaroon ng ibang pamilya ang kanyang ama sa isang non-showbiz. Nag-abroad ang kanyang ina.
Ang kanyang ama ay nalulong sa alak at sigarilyo, hanggang sa namatay ito.
Ang kanyang ina ay may tinatakasang responsibilidad.
Naiwan si aktor sa poder ng kanyang lola.
Nakilala ni aktor ang kanyang kapatid sa ama na gumabay sa kanya.
Napasok sa showbiz si aktor at naging leading man ng isang baguhang sexy actress.
Hindi umangat ang kanyang career.
Nawalan siya ng source of income.
Nagkapatung-patong ang mga alalahanin niya sa buhay.
Nagkasakit ang kanyang lola.
Hindi niya mahingan ng tulong ang kanyang ina na kayod kalabaw sa abroad.
Nakilala ni aktor ang isang bading na nagho-hosto sa abroad.
Nagsama sa iisang bubong ang dalawa na parang mag-asawa. Pero pinalalabas nila na magkaibigan lang sila.
Tinulungan ng bading ang aktor na makapag-abroad.
Sabay silang umalis ng bansa at nagtrabaho sa isang club bilang mga hosto.
Makaraan ang halos mag-iisang taon, bumalik sa Pilipinas ang actor na mag-isa dahil tapos na ang kanyang kontrata. Naiwan ang kanyang gay lover.
Namatay ang lola ni aktor.
Naubos ang kita niya sa pagpapagamot sa matanda at sa mga gastusin sa bahay.
Hindi nagtagal ang pagsuporta ng bading kay aktor dahil nagkaroon ito ng ibang boyfriend.
Na-depress ang aktor.
Pasabit-sabit na lang siya sa mga kaibigan para mag-goodtime at rumaket nang konti.
Nasa estado si aktor na mababang-mababa ang kanyang moral nang dumating ang isang babae sa buhay niya.
Pangit ang babae.
Nag-live in sila.
Wala ring pinagkakakitaan ang pangit na babae, pero siya lang ang nagtitiyaga sa aktor.
***
Suko hanggang langit ang pagsuklam ng isang aktres sa dalawang taong malapit sa kanyang mommy – ang kaibigan at ang boyfriend nito.
Hindi in-good terms ngayon ang aktres at ang mommy.
Sinisiraan si aktres ng boyfriend at ng kaibigan ng mommy niya.
Sinasabi ng dalawa na kung anu-ano ang ipinagkakalat ng aktres tungkol sa kanila, at pati na ang lovelife ng ina ay pinakikialaman ng aktres.
Eh, ayaw na ayaw ng mommy ni aktres na pinakikialaman ang personal na buhay nito, kaya hindi na nito kinakausap ang aktres.
Totoo na nagkukuwento si aktres sa kanyang mga kaibigan ng mga hinaing niya sa dalawa.
May basehan si aktres kaya nasusuklam siya sa dalawang nakadikit sa kanyang ina.
Parang linta ang mga ito kung sumipsip sa kayamanan ng kanyang mommy.
Maluwag sa pera ang kanyang mommy, na sinasamantala ng dalawa.
Ginagawang palabigasan ng dalawa ang mommy ng aktres.
Magkahiwalay ng tirahan ang aktres at ang kanyang mommy.
Mula nang humiwalay si aktres, hindi na siya humingi o tumanggap ng kahit na anong sustento sa mommy niya.
Sinamantala iyon ng kaibigan at boyfriend ng mommy niya.
Masama ang loob ng aktres dahil ayaw niyang dumating ang panahong masaktan nang todo ang kanyang ina sa pagtitiwala nito sa dalawa.
Maliit ang mundo ng showbiz. Minsan, nagkita ang aktres at ang kaibigan ng mommy niya.
Umiwas ito sa kanya.
Pigil sa pag-eeskandalo ang aktres dahil na rin sa kahihiyang maaaring idulot nito sa mga kasama niyang kaibigan.