Maganda at tama lamang ang direktiba ni Philippine National Police (PNP) Chief General Avelino Razon Jr., na pagbabawal sa panonood ng telenovela sa lahat ng istasyon ng pulisya.
Pero hindi dapat magsilbing pamantayan ng pagdidisiplina sa kapulisan ang ganitong direktiba.
Dahil bilang alagad ng batas, hindi na kailangang ituro ang ganitong mga bagay, dapat ay batid na nila kung ano ang tama at mali.
Sapagkat ang isang responsableng mamamayan ay batid kung ano ang dapat at hindi dapat gawin at hindi na kailangan pa ng tagubilin.
Subalit sa kasalukuyang sitwasyon marahil ng PNP ay kailangan ang ganitong kautusan.
Maaaring sa dami ng reklamo laban sa hindi maayos na pagseserbisyo ng kapulisan ay umabot sa ganito ang pamunuan ng PNP.
Gayunpaman, natutuwa tayo dahil ibig sabihin ng pag-aksyon ng PNP ay hindi nito binabalewala ang maikukunsiderang maliit na isyu.
Tama lamang ang ganitong pag-aksyon dahil kung laging tutok ang mga alagad ng batas sa telenovela sa mga telebisyon, nangangahulugang nagpapabaya sila sa kanilang tungkuling bantayan at bigyang-proteksyon ang taumbayan kaya’t kailangang gisingin.
|