|
|
ENTERTAINMENT
Juday natawa sa tsismis na may tulo si Ryan Dumalo si Judy Ann Santos sa presscon ng 11th wedding anniversary nina Sen. Kiko Pangilinan at Sharon Cuneta nu’ng Linggo. Hindi maiwasang pag-usapan pa rin siyempre ang tungkol sa kanila ni Ryan Agoncillo. Si Juday na mismo ang
nag-open ng isyung na-blind item si Ryan na may STD at hindi raw virus
ang umatake rito. "Nakatatawa! Pinagtatawanan na lang namin ni Ryan ‘yan. Bakit naman siya magkaka-STD?" pahayag ng aktres. Ipinaliwanag uli ni Juday kung anong virus ang kumapit kay Ryan at kahit sa kanya ay ganun din daw. Medyo okay na raw siya ngayon dahil katatapos lang niyang gumaling sa sakit na iba raw ang virus na kumapit din sa kanya. Naintindihan daw niya ang trabaho ng mga reporter na magbabalita ng ganun pero sana, kinumpirma raw muna bago iyun isinulat. Sa blind item nagsimula iyun pero pinangalanan din daw bandang huli na ikinaloka niya dahil bakit si Ryan pa raw ang gagawan ng ganung isyu. Isa ring ka-cheap-an na isyu ang turing ni Judy Ann sa intrigang ayaw raw nitong maka-partner ni Ryan si Pauleen Luna sa pelikulang My Kuya’s Wedding. "Ang cheap ng isyu na ‘yan!" tili ni Juday. "Bakit naman ako magseselos? Ako nga ang nagsa-suggest ng mga ipa-partner sa kanya. "Sinabi kong sina Joyce Jimenez at marami pa, pero hindi ko naisip si Pauleen kasi I think she’s too young for the role," patuloy ni Juday. Never daw siyang nagseselos pagdating sa babae dahil malaki raw ang tiwala niya kay Ryan at wala raw siyang panahong magselos sa dami ng ginagawa nila. Samantala, nangako si Judy Ann ng all-out na suporta sa kandidatura ni Sen. Kiko kaya naiyak daw si Sharon nang mapanood ang ginawa nitong TV ad para sa asawa. Naiyak din daw si Juday sa text messages ni Sharon sa kanya bilang pasasalamat sa tulong nito. "Si Ate Shawie kasi, ang haba mag-text niyan at maganda ang mga sinasabi, kaya naiyak din ako." Kung may panahon, gusto rin daw sana niyang tulungan sa pangangampanya ang boyfriend ni Jolina Magdangal na si Bebong Muñoz, at siyempre ang kapatid niyang si Jeffrey Santos na tumatakbong konsehal sa Kalookan. *** Narito ang kuwento ng isang young actress na may sumbong sa kaalitang isa ring young actress. First time nilang nagkasama sa isang taping at nu’ng magkita sila sa set, lumapit itong young actress #2 kay young actress #1. "Ang dami kasing mga staff na nandun sa set, lumapit siya sa akin. Bumeso. Okay! Bumeso na siya," kuwento ni young actress #1. "Pangalawang pagkikita namin sa taping, walang tao. Kami lang ang nandu’n sa kuwarto kasama ang alalay namin. Dedma siya, ‘day! Parang hindi ako nakita. Sige, okay lang. "Pangatlong pagkikita namin, ang daming fans na nandun. Karamihan pa naman, fans niya. "Lumapit na naman siya sa akin para bumeso. Hinarang ko na siya. Sinabihan ko siyang, porke’t ang daming tao riyan, ikaw na naman ngayon ang bumebeso sa akin. Ako na naman ang kawawa rito," kuwento ni young actress #1 tungkol sa kaalitang young actress #2. *** Sa Startalk nu’ng Sabado, habang pini-play ang VTR story ni Sunshine Cruz tungkol sa isyu kina Cesar Montano at Richard Gomez, nasa studio at naghihintay sa gap nila si Sheryl Cruz na nagpu-promote ng Sinasamba Kita. Biglang naglingunan ang lahat kay Sheryl na pinapanood din ang pinsan niya. Napangiti na lang ito at nakiusap na huwag na siyang kunan ng reaksyon tungkol kay Sunshine. Tinanong din namin si Sheryltungkol sa isa pa niyang pinsang si Donna Cruz na kapapanganak lang, pero ayaw rin niyang mag-comment. Sa promo lang daw siya ng bago niyang telenovela, bukod dun ay wala na. Obviously, may hidwaan pa rin silang magpipinsan at kahit si Sunshine Cruz ay nakikiusap na huwag na siyang tanungin uli tungkol kay Sheryl. Wala naman daw siyang alam na pwedeng isagot. Hindi umaasa si Sunshine na tutulong si Sheryl sa kandidatura ni Cesar. Si Sheryl naman ay good luck na lang daw sa lahat na mga kandidatong tumatakbo sa eleksyon. |
Website comments and suggestions contact:
Copyright © 2005 Monica Publishing Corporation Best viewed in 1024 x 768 resolution. All rights reserved
|
|||
|
|