MARCH 31, 2008
NEWS ADVERTISE About the company Contact Info ARCHIVES
SEARCH Abante-Tonite
Abante Online
EDITORIAL & OPINION
 
Bigas at langis
Usisero ni: Jun Bautista


Wala yata tayong panalag sa kaliwa’t kanang dagok na pabigat sa buhay. Maaaring masasalag ni Manny Pacquiao ang mga left and right na ito dahil marami na siyang pera, pero si Juan dela Cruz ay pasa-pasa na ang mukha. Habang okupado ang lahat sa isyu ng bigas, tahimik pero walang sablay na tumataas linggu-linggo ang presyo ng langis. Alam naman natin ang tinatawag na domino effect ng presyo ng langis...sa lahat na yata ng bilihin, kuryente, at pamasahe ay apektado...lalo na ang malalaking manufacturing factories. Pero hindi katulad ng krisis sa bigas, na kung talagang gi­pitan na ay maraming pampalit (mais, kamote, kamoteng-kahoy, saging, gabi o maski sipol na lang)...wala pa tayong pamalit sa langis. Kung baga sa sanggol, ni hindi pa gumagapang itong tinatawag na alternative o biofuels programs.
At masasabing mas marami-rami ang puwedeng mabilhan ng bigas sa labas. Pero ang la­ngis...captive buyer tayo ng OPEC. Ito ang tunay na cartel na nagdidikta ng presyo. Ang siste pa ay patuloy na bu­mabagsak ang halaga ng US dollar na siyang binabayad natin sa langis. Kaya lumalakas man ang Piso kontra dolyar, mas marami namang dolyar ang kailangan para makabili ng kinakailangang langis. So, ano ang agarang solusyon na nasa kamay ng gobyerno? Sagot -- ang EVAT sa langis. Matagal nang kasado ang report ng committee on Ways and Means ng Senado sa bagay na ito.
Dalawang panukala ang inihahain ng Senado... ang suspendihin ang EVAT sa langis maski sa loob lang ng 6 na buwan (Mar Ro­xas), o ang tuluyang na ibasura ang EVAT sa langis (Chiz Escudero). Ayon pa kay Roxas, bukas siya sa anomang counterpart offer ng gobyerno, basta’t ito’y tungkol sa ikababawas ng 12% na EVAT sa langis. Si Sen. Juan Ponce Enrile man ay may sariling pa­nukala...ang ibasura ang EVAT, maski sa kuryente lang.
Kontra sa mga panukalang ito ang gobyerno. Ang dahilan -- madidiskarel daw ang minimithing balanseng budget. Ang masakit dito ay kaya unti-unting nababalanse ang budget ay dahil sa koleksyon ng EVAT. At ang EVAT ay galing sa katas ng tao. Eh, paano kung tuluyang matuyot ang pinagkukunan ng EVAT?
***
Mga paabot ng Dept. of Agriculture (DA) -- Tunay bang may krisis sa bigas o ito’y nagatungan lang at naging political issue? Ang sagot ko rito ay pareho. Dahil ang bigas ay siyang national staple, kapag gumalaw ang presyo nito ay nagiging political issue. Pero may katwiran din ang DA na ang “krisis” sa bigas ngayon ay dulot ng galaw ng presyo nito sa world market, dahil sa paghigpit ng supply na kagagawan ng pagbabago ng klima. At naramdaman natin ito dahil tayo’y isang rice-importing country. Pero, totoo ring ang “krisis” ay muling nagbukas ng ating mata sa sariling problema sa produksyon ng bigas.
Anyway, tiniyak ng DA na may darating na 2.7 milyong tonelada ng bigas buhat sa Vietnam at US, dagdag sa inaasahang 7 milyones na toneladang aanihin ngayong Abril. Ang Pinas ay kumukonsumo ng 27,000 tonelada ng bigas araw-araw. Oo nga’t medyo tumataas ang presyo, hindi naman daw matatawag na “krisis” na magkakaroon ng pila o rasyonan ng bigas. At sa tulong umano ng PNP at NBI, may 500 NFA at pribadong bodega ang binabantayan ngayon upang masigurong walang bigas ang napupunta sa mga tiwaling rice dealers. At ‘yan ang gustong makita ng taumbayan... ang masampolan ang mga ganid na ‘yan.

 

Microsoft Internet Explorer 7