MARCH 31, 2008
NEWS ADVERTISE About the company Contact Info ARCHIVES
SEARCH Abante-Tonite
Abante Online
EDITORIAL & OPINION
 
Nahimasmasan
Sanggang Diin ni: Anthony Taberna


Sa kanyang column sa isang pahayagan kahapon, nagrereklamo si dating Chief Justice Artemio Panganiban dahil mistula raw kinokontrol ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ang kasalukuyang Korte Suprema.
Inupakan ni Panganiban ang desisyon ng mayorya ng mahistrado ng Kataas-taasang Hukuman sa kaso ni CHED Chairman Romulo Neri dahil imbes na pigilin ang pang-aabuso ng Pangulo, pinalawak pa nito ang exe­cutive privilege upang pagtakpan ang mga kalokohan sa pamahalaan.
Mainam naman at kahit na mga dati niyang katsokaran sa Padre Faura ang karamihan sa mga pro-Arroyo justices, hindi nangiming magsalita si Panganiban at hindi pinigil ang sarili sa pagpuna sa desisyong nagdudumilat ang depekto!
Baka nga kinukurot na ng konsensya si Panganiban at kulang na lamang ay ipagtapat niyang isang MALA­KING PAGKAKAMALI ang pagsali niya sa sabwatan noong Enero 2001 upang iluklok sa puwesto ang bulinggit na Pangulo!
Hindi ba’t si Panganiban at ang dati niyang bossing na si dating Chief Justice Hilario Davide, Jr. ang nagkutsabahan upang palitawing lehitimo ang panunumpa sa puwesto ni Ginang Arroyo?
Sina Panganiban at Davide ang nagliko sa kapalaran ng ating bayan tungo sa mas higit na tiwali, mapang-abuso at walang katarungang pamahalaan sa ilalim ng Mahal na Pangulo.
Sa kanyang tahasang parunggit sa pagkontrol ni Pa­ngulong Gloria sa Korte Suprema, si Panganiban ba ay nahimasmasan o naglilinis-linisan lamang?
Baka makumbinsi kami, Chief Temiong na galit ka sa pang-aabuso ni Madame Gloria kung papayuhan mo po ang iyong bestfriend na si Davide na bumitiw na bilang Embahador sa United Nations.
Baka sakaling makabawi kayong dalawa sa napaka­bigat na papel ninyo sa lalong pagdurusa ng masa!
***
Pinayuhan ni Vice President Noli de Castro ang mga mahistrado na igalang ang desisyon ng mayorya ng Korte Suprema na pumapabor sa pagkukubli ni Neri sa palda ng Pangulo sa isyu ng ng ZTE-NBN deal.
Nasabi ito ni Kabayang Noli dahil pinupuna nina Chief Justice Reynato Puno at Associate Justice Antonio Carpio ang mistulang pagkunsinti ng kanilang mga kasamahan sa pagtatago ng krimen gamit ang executive privilege.
Magandang motherhood statement ang pinawalan ni Kabayan tungkol sa pagrespeto ng majority decision pero hindi kaya nagmukha naman siyang jologs dahil parang hindi niya naiintindihan ang ibig sabihin ng dissenting opinion?
Paano ngayon kung pagsabihan si Kabayang Noli na matuto rin itong rumespeto ng dissenting opinion?
Tsk, tsk, tsk.
***
Naisulat ko na ito dati pero uulitin ko lamang ngayon. Hindi kahinaan at lalong hindi katangahan para sa isang mahistrado na kumontra sa opinion ng 14 na iba pang kasamahan niya sa Korte Suprema.
Sa isang libro ngang isinulat mismo ni Panganiban, kanyang sinabi “Jurists are never diminished by their dissents, only by their thoughtless concurrences”.
Masyadong kritikal para sa mga matataas na pinunong halal ng bayan kabilang na ang bise-presidente ang magkomento sa ganito kasensitibong isyu.
Dito dapat maagap si Atty. Jessie Andres, ang Chief of Staff ni Kabayang Noli!
***
Pinagsabihan ng mga kongresistang sipsip este kampi kay Pangulong Arroyo ang Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) na parusahan si Lingayen-Dagupan Archbishop Oscar Cruz dahil sa lantaran daw nitong pagsisinungaling sa publiko.
Naiulat kasi na sinabi raw ni Cruz na hindi niya bibigyan ng komunyon si Pangulong Arroyo dahil makasalanan ito pero binawi rin naman ang statement kinabukasan.
Kung talagang may prinsipyo ang mga kongresistang pinangungunahan ni Quezon Congressman Danilo Suarez laban sa kasinungalingan, saludo tayo sa kanila.
At lalo tayong sasaludo sa kanila kung hihilingin din nilang parusahan ang sinungaling na Pangulo na ilang beses nang hindi nagsabi nang totoo sa harap ng publiko!

 

Microsoft Internet Explorer 7