Dahil sa dami ng gawain at mga miting, nawawalan na tayo ng panahon na basahin ng masinsinan ang mga magagandang talata na nanggagaling sa iba’t ibang mga organisasyon, liban na lamang sa mga nalalathala sa pahayagan. Kaya’t noong Semana Santa ay minabuti nating basahin ang mga ito.
Isa sa mga bagong samahang nag-organisa mula nang maeskandalo ang konsensya ng sambayanan sa lubhang pangungurakot sa kasalukuyang administrasyon ay itong samahan ng mga dating miyembro ng gabinete at iba pang matataas na opisyal ng iba’t ibang administrasyon, mula sa unang Pangulong Macapagal maging sa mga dating nanilbihan sa rehimeng Arroyo. Ito ay ang samahang tinaguriang Former Senior Government Officials o FSGO.
Wala silang pormal na liderato. Isa silang samahan na nagpupulong tuwing Sabado, at nagmula lamang dahil sa pare-pareho silang nasuklam sa mga napag-alaman nilang detalye ng ZTE-NBN deal ni Ginang Arroyo. Ang una nilang pahayag ay inilabas matapos ang misa sa La Salle Greenhills na dinaluhan ni dating Pangulong Cory Aquino at Jun Lozada noong kalagitnaan ng Pebrero. Dati nga ay tinawag sila ng media na “La Salle 60”. Halos isang daan na sila sa ngayon, sa aking pagkakaalam, at dahil hindi naman tamang mapagkamalan ng iba na sila ay mga taga-La Salle na lahat, ginamit nila ang “former senior government officials” o FSGO, na siyang akma dahil lahat sila ay nagsilbi sa sambayanang Pilipino sa matataas na tungkulin.
Sina Sen. Vicente Paterno, Sen. Leticia Shahani, Kalihim Ernest Leung at NEC Chair Sixto K. Roxas ay nag-umpisang manilbihan panahon pa nga ni Pangulong Macapagal at maging kay Pangulong Marcos at Cory Aquino. Sina Kalihim Jess Estanislao, Josie Lichauco, Cesar Sarino at iba pa ay panahon ni Cory, na nagpatuloy pa mandin sa pamahalaang Ramos, kasama nina Kalihim Ramon del Rosario Jr., Gobernador Jose Cuisia ng Bangko Sentral, Ciel Habito, Cesar Sarino at Ernesto Garilao. Kay Pangulong Erap naman ay naroon sina Liling Briones, Rod Reyes, Ben Diokno, Philip Medalla at Lito Banayo. At marami rin ang nagsilbi kay Ginang Arroyo, tulad ng tinaguriang Hyatt 10, na lahat ay sumali rin sa FSGO, at ang Haydee Yorac awardee na si Nene Guevarra. Isang buong pitak ang kailangan upang isulat ang kanila lamang mga ngalan at matataas na tungkulin.
Sa pangalawa nilang kalatas ay hiningi nilang magbitiw o di kaya’y suspendihin ang mga opisyal ng kasalukuyang pamahalaan na malinaw na sangkot sa ZTE-NBN deal, at higit pa, sa tangkang pagdukot sa testigong si Jun Lozada. Ang huling pangyayari sa NAIA, na naghantong sa isang makasaysayang press conference noong madaling-araw sa La Salle Greenhills kasama ng mga madre at pari, ang siyang higit na nagpangitngit sa taong bayan. Dinedma lang ito ng rehimeng Arroyo at ng mga nabanggit na opisyal.
Kaya’t noong pangatlo nilang kalatas ay sinabi nilang nawalan na sila ng kumpiyansa sa rehimen at sa liderato ni Ginang Arroyo. Hindi na nila hinihingi pa ang pagbitiw nito, hindi dahil sa ayaw nila, kundi dahil alam naman nilang hindi ito makikinig. Ngunit lalong mabigat ang sabihing wala na silang kumpiyansa sa pamunuan ng bansa, lalo na at ang FSGO ay mga dating miyembro ng gabinete at matataas na opisyal. Para na rin nilang sinabing hindi na nila kinikilala ang pamunuang kasalukuyan.
Liban dito, naglabas ng maikli ngunit makabuluhang komento ang kanilang “economic cluster” ukol sa pagiging ampaw ng ipinagyayabang na “paglago ng ekonomiya”. Ang mga ito’y binigyan pa mandin ng banner treatment sa maraming pahayagan.
Nitong huli nilang gawain, lumiham ang FSGO sa Philippine Development Forum o PDF, isang taunang kumperensya ng mga embahador at opisyal ng mga bansang tumutulong sa Pilipinas, maging ang mga institusyong tulad ng World Bank, ADB at iba pa. Tinumbok nila ang isyu ng malawakang korapsyon na halatang-halata sa NBN project, at kung paano binabalewala ng rehimeng Arroyo ang mga proseso ng accountability at transparency sa kanilang procurement process. Na tama naman, pagka’t kung katulad ng NBN ang paglustay ng utang ng sambyanan at saling-lahi ang siyang magbabayad, dapat ay mapag-alaman ito ng mga bansang tumutulong sa atin nang maiwasan. Matapang na binasa ni dating National Treasurer Liling Briones ang kanilang liham bago dumating si Ginang Arroyo sa naturang kumperensya.
Malaki ang maitutulong ng samahan ng FSGO hindi lamang sa paglahad ng katotohanan, kundi sa pagpapaalam sa sambayanan, lalo na sa kabataan, ang napakasamang epekto ng katiwalian at pangungurakot sa kanilang buhay at kinabukasan. Pagka’t sila ay masasabing “been there, seen that, done that”, hindi maaaring makwestyon ang kanilang awtoridad at kaalaman. At dahil hindi na nila masikmura ang nangyayari, at nanghihinayang sila sa nagyayari sa pamamahala at mga institusyon ng pamamahala sa ating bayan, sila ay may tamang motibo at kredibilidad.
Nawa’y palawakin ng FSGO ang kanilang pagsilbi sa sambayanan at sa saling-lahi.
Nais din ng ating pitak na magsimpatiya kay Pangulong Cory Aquino, sa nangyaring karamdaman niya. Ngunit alam naman natin ang pambihirang tapang na taglay ni Pangulong Cory, kaya’t hindi dapat tayo manghina ng loob, bagkus ay ibayuhin ang paninindigan para sa demokrasya, katarungan at katotohanan na kanyang sinisimbolo. Mabuhay at magpagaling ka, Pangulong Cory, at kasama kami sa mga nagdarasal, sampu ng aming pamilya.
(www.pinglacson.blogspot.com at www.pinglacson.com.ph)