Bukas ang ating konsulada sa Hong Kong kada Linggo upang makapagserbisyo sa mga overseas Filipino worker (OFW) sa kanilang day-off. Okey ‘yan dahil Linggo lang kadalasan pwedeng makalabas ng bahay ang karamihan ay domestic helpers natin sa Hong Kong.
Ang ibig sabihin niyan ay marunong mag-adjust ang ating consulate officials sa HK, na nag-urong sa kanilang day-off tuwing Biyernes at Sabado.
Sa ating pagbisita sa HK at Macau, marami tayong OFWs na nakausap at kanilang sinabi sa atin ang kanilang mga problema. Sa HK ay naging abala ang ating labor attaché sa personal na pangangalaga at pagdadala sa ospital sa isang seaman na nagkasakit doon ng malaria.
2 kwento
Napag-alaman natin sa naturang opisyal na ang malaking problema ng mga OFW sa Hong Kong ay ang language problem, partikular ang komunikasyon nila sa kanilang employer sa wikang Ingles. Aniya’y maraming DH ang nasisisante o kaya’y napipilitang mag-resign dahil sa problemang ito.
Isang DH nga ang ikinuwento niya sa atin na sinibak ng kanyang employer dahil sa isang insidente kung saan ay hindi napigilan ng DH na matawa sa kanyang employer, na ikinagalit naman nito. Sabagay, mahirap ngang hindi matawa sa tinuran ng kanyang Chinese employer na pabaruk-barok mag-Ingles:
Anang employer sa DH: “Cook my son and eat him for dinner. My wife and I are going out to eat each other.”
Hayun at napabunghalit na sa tawa ang OFW, na hindi marahil naisip na masama magtawa at the expense ng ibang tao, lalo na kung boss mo. Ika nga’y lesson learned the hard way ito.
Isa pang DH ang nasibak din ng kanyang British employer dahil sa language problem nang sabihin nitong: “Hey, hand me my coat.” Imbes na coat ang ibigay ay ang pusa ng kanyang employer ang iniabot ng DH dahil sa slang na pronunciation ng “coat” ng Briton.
Ang lesson dito ay kung may duda tayo sa instruction ay hindi naman masama na linawin kung ano talaga ang inuutos. Medyo petty ang dahilan ng pagkakasibak na ito ng naturang DH ngunit maaaring marami pang katulad na insidente ang nangyari noon pa at naging untenable na lang talaga ang patuloy niyang pagtatrabaho para sa naturang Briton.
Tanong at sagot
09197016070 -- May job order po ba ng DH sa Canada?
Usapan: Wala po. Maaaring ang nabalitaan ninyo ay ang sinasabing magiging job opening sa Canada, ngunit para sa skilled workers po ang mga iyon.
Iyan nga po ang mahirap sa mga pronouncement ng pamahalaan natin kaugnay ng mga hindi pa nagma-materialize na job openings. Iyan pa po ang pinagsasamantalahan ng mga illegal recruiter.
|