Tutok sa usapin sa pulitika dulot ng nabunyag na ZTE-NBN scandal, krisis sa bigas at pagtaas sa presyo ng produktong petrolyo ang mga opisyal ng ating gobyerno pero sa kabila nito wala pa rin silang solusyong nailalatag sa nasabing mga isyu.
Dahil sa halip na masolusyunan ang mga problemang ito na direktang nakakaapekto sa sambayanang Filipino ay dagdag na pasanin sa pang-araw-araw na buhay ang kinakaharap ng taumbayan bunsod ng pagtaas na rin ng presyo ng iba pang pangunahing bilihin sa merkado.
Kung noong una ay bigas at petrolyo lamang ang pinoproblema ng publiko, ngayon ay nadagdag na rin ang karne, gulay at iba pang bilihin sa palengke dahil nagtaasan na rin ng presyo dahil raw sa kakulangan ng suplay.
Hindi na pangkaraniwan ang kaganapang ito dahil nagsunuran na ang pagtataas sa presyo ng iba pang bilihin kaya’t kailangang maaksyunan sa lalong madaling panahon kung hindi ay malaking problema ang naghihintay sa gobyernong Arroyo.
Dapat harapin at lapatan ng solusyon ng administrasyong Arroyo ang problemang ito.
Hindi uubra ang papogi sa usaping ito dahil sikmura ng bawat mamamayang Filipino ang nakasalalay.
Kaya ang pinakamabuting gawin ng mga opisyal ng gobyerno sa sitwasyong ito ay magtulung-tulong para matigil na ang pagtaas sa presyo ng mga pangunahing bilihin.
Huwag na ninyong hintaying mag-alburuto ang publiko dahil mas matinding gulo ang hatid nito sa ating bansa.
|