Sa harap ng lumalalang kahirapan sa Pilipinas, ibinunyag ni Senate president pro-tempore Jinggoy Estrada ang pagbaba ng bilang ng mga nagtatapos sa kolehiyo kada taon.
Ayon kay Estrada, nakakalungkot isipin ang katotohanan na tanging labing-apat sa bawat 100- estudyanteng nagtatapos ng haiskul ang nakaka-graduate sa kolehiyo.
Bilang tugon sa problema ng edukasyon at kabiguan ng mga magulang na mapag-aral sa kolehiyo ang mga anak, inirekomenda ni Estrada ang pag-amiyenda sa Republic Act 7323, mas kilalang Special Program for Employment of Students (SPES) upang tulungan ang mga mahihirap na estudyante.
“Hindi dapat maging sagabal ang kahirapan para makapag-aral. Hindi dapat maging hadlang ang kahirapan para marating ang isang pangarap,” ani Estrada, kasabay ang paglatag ng Senate Bill No. 6 na mag-aamyenda sa Special Program for Employment of Students.
Simula 1993 hanggang 1997, may kabuuang 420 libong estudyante ang natulungan ng programa tuwing Pasko at summer vacation upang matustusan ang pambayad ng matrikula sa pasukan.
Bilang solusyon, iminungkahi ni Estrada ang pagbubukas ng mas marami pang oportunidad sa mga kabataang estudyante kapag bakasyon. |