Sa harap ng pang-aabuso sa executive privilege ng mga alagad ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo, mismong kakampi ng Malacañang ang umangal at nagsampa ng panukalang batas na lilimita sa sistemang ito.
Ayon kay Cotabato Rep. Emmylou Mendoza, principal sponsor ng Freedom of Information Act o House Bill 3732 na maglilimita sa paggamit ng executive privilege, nagiging instrumento ang naturang probisyon sa Konstitusyon upang maitago ang katotohanan gayong karapatan ng publiko na makuha ang mga impormasyon.
Ngayong pinaboran ng Korte Suprema ang petisyon ni Commission on Higher Education (CHED) chairman Romulo Neri, umaasa ang lady solon sa mabilis na pag-aksyon ng Senado at magkakaroon ng counterpart ang kanyang panukalang batas na unang inilusot ng House committee on public information.
Sa ilalim ng naturang proposed bill, kikilalanin lamang ng Kongreso ang executive privilege sa mga sensitibong impormasyon na may kinalaman sa digmaan at emergency taliwas sa naunang pagsangkalan ni Neri para maitago ang naging usapan nila ni Mrs. Arroyo tungkol sa broadband project.
Kung marerendahan ang paggamit sa executive privilege, ayon kay Mendoza, hindi mauulit ang banggaan ng Malacañang at Senado sa national broadband network (NBN) project, maging sa nakabinbing imbestigasyon sa joint oil exploration accord, sa pagitan ng Pilipinas at China.
“We are absolutely certain this will go a long way in promoting spotless transparency and improving governance. We are definitely now counting on the entire House as well as the Senate to give the highest priority to the bill’s passage,” anang lady solon.
|