Pack-up ang taping ngayong araw na ito ng segments ni Kris Aquino para sa Boy & Kris.
Dapat ay guest si Ruffa Gutierrez at ang dalawa niyang anak sa taping ng Boy & Kris ngayon, pero ayon sa staff, tumawag sa kanila kahapon si Tetay para ibalitang dinudugo ito (nauna rito, ibinalita na ng TV host/actress na nakunan siya sa second baby nila ng mister niyang si James Yap).
“Bukas (Lunes) magpapa-check-up na si Kris at malalaman kung kailangan niyang magparaspa, kaya kailangang mag-pack- up ng taping ng segments niya,” sey sa akin ng isang staff.
Kahit dinudugo, okey naman daw si Tetay.
***
Grabeng pinagkaguluhan ng studio audience ng The Buzz kahapon si Gabby Concepcion.
Parang magkaka-stampede nga kahapon sa studio sa pagdating ni Gabby.
Lahat ay gustong malapitan ang nagbabalik na aktor. Lahat ay gustong magpa kuha ng litrato sa kanya.
Bago ang one-on-one interview ni Boy Abunda kay Gabby ay nag-stay sa backstage ang dating matinee idol.
Ma-PR pa rin si Gabby. Pagkakita niya sa akin ay kaagad siyang bumati at nangumusta.
Nasa backstage rin si Ruffa, kaya narinig ko ang biro sa kanya ni Gabby.
“Ano na ang itatawag ko sa ‘yo ngayon?” tanong ni Gabby kay Ruffa dahil nali-link ang anak niyang si KC Concepcion sa kapatid ni Ruffa, kay Richard Gutierrez.
Nilinaw ni Gabby na isa sa maraming dahilan ng desisyon niyang bumalik ng Pilipinas ay ang tatay niyang si Rollie Concepcion na may sakit sa puso.
Kinumpirma rin ni Gabby na isa siyang Kapamilya at marami siyang proyektong gagawin sa Dos kabilang na ang isang teleserye at pelikula.
***
Ako ang publicist ni Richard, kaya maraming mga manunulat ang nangungulit sa akin tungkol sa real score sa binata at kay KC.
Sa totoo lang, wala akong alam dahil hindi ko kinukulit ang binata tungkol sa bagay na ‘yon.
Basta ang masasabi ko lang, kinikilig din ako sa kanilang dalawa.
May nakapagkuwento sa akin na noong Sabado nang gabi ay inihatid ni Richard si KC sa may Starbucks ng ABS-CBN 2.
Nang makita ng mga tao na magkasama sina Richard at KC ay tilian sila nang tilian.
‘Yung ibang mga taga-Dos nga raw ay ‘Kamandag’ pa ang tawag kay Richard.
Hindi na inihatid ni Richard si KC sa loob ng Dos bilang respeto na rin sa kanyang home studio, ang GMA 7.
***
Tagumpay ang Shine! 21st showbiz anniversary show ko noong Sabado sa Zirkoh Timog.
‘Kaloka lang dahil hindi sinipot ni Yasmien Kurdi ang aking show kahit ikinomit siya sa akin ng GMA Artist Center.
Hanggang tinitipa ko ang column item na ito ay emotional pa rin ako sa ginawa sa akin ni Yasmien.
Bukas na lamg ako maglilitanya ng sama ng loob ko. Dudurugin ko ba si Yasmien? Hahayaan ko pa ba siyang makabangon sa kabila ng ginawa niya sa akin?
Bukas na lang ang kasagutan!
***
For feedback, email junlalin@gmail.com
|