Hindi ganu’n karami ang celebrities na nagbakasyon sa Boracay nu’ng nakaraang Semana Santa kaya ang ilang gustong gumawa ng himala roon ay hirap sa paghanap ng kaulayaw.
Paikut-ikot kami ni Allan Diones sa ilang events at parties nu’ng Sabado de Gloria, isang aktres na hindi na gaanong active ngayon sa showbiz ang namataan naming aligaga sa paghahanap ng mauuwi.
Binati ni Allan ang aktres kung meron pang mahahagip. Wala pa raw kaya display nang display ang aktres sa isang party na pinasok namin.
Mabuti pa ang isang kasama niya na hindi gaanong kagandahan, may nahagip na at mukhang magba-boundary na.
Mag-uumaga na nang napansin namin si aktres na may kausap na isang hindi kaguwapuhan na medyo nakakalbo pa at mukhang kasama na niya ito pauwi sa kanyang tinutuluyang hotel.
Hindi gaanong bumenta si aktres.
Pero huwag ka! Biyernes Santo ng madaling-araw, isang delicious na bagets actor ang nakahagip sa kanya at iniuwi siya sa hotel nito.
Nahuli sila ng isang kasamahan nitong bagets actor.
Ang daming maganda at mas bata pang type matikman si bagets actor, pero wagi itong lola n’yong mukhang hindi papayag na hindi maka-score gabi-gabi.
***
Parang excited ang lahat na dumalaw sa first shooting day ng pelikula nina Dolphy at Vic Sotto.
First time nilang magsama at mukhang hindi na ito mauulit pa. Kahit ang ilang artista ay gustong sumali kahit guest role at walang talent fee.
Malaki ang pasasalamat ni Vic Sotto na natuloy na ang project na ito. Ilang taon na nilang sinusuyo si Mang Dolphy na gumawa sila ng pelikula. Mabuti at napagkasunduan nilang ituloy na ito.
Si Riza Santos ang kapalit ni Marian Rivera bilang anak ni Mang Dolphy na nagustuhan ni Bossing Vic.
Nilinaw ni Bossing na schedule ang dahilan kung bakit hindi natuloy si Marian.
Ang unang usapan daw kasi ay sa February dapat sila magsimulang mag-shooting at libre pa ang schedule noon ni Marian.
Naurong ito nang naurong at ngayon pa lang sila magsisimula na kailangang gawin na rin ni Marian ang Dyesebel.
Nagtataka sila kung bakit may mga intriga pang ang talent fee ang dahilan gayung hindi na nila ito napag-usapan. Unfair kay Marian na gawan pa siya ng ganu’ng isyu.
Malaki ang naiambag ni Mang Dolphy sa script kaya lalong naging kuwela ang kuwento.
Ngayong nagsama na sila sa shooting, inamin ni Bossing na marami siyang natutunan sa Hari ng Komedya.
Wala na raw ibang makapapalit sa titulong iyun.
Late na ng gabi, nagsu-shooting pa rin sila at napapansin naming malakas pa rin si Mang Dolphy.
Mag-e-80 na siya kaya itinuturing niyang semi-retired na siya. Gusto na niyang magpahinga pagkatapos ng pelikula nila ni Bossing Vic.
Naikuwento rin ni Mang Dolphy doon sa shooting na sa 80th birthday niya, bahagi ng selebrasyon ang launching ng libro niyang ginagawa ngayon ni Eric Quizon.
***
Excited si Vic Sotto sa nalalapit na panganganak ni Danica Sotto. Lahat daw sila ay nakabantay sa kanyang anak para matiyak na safe ito.
Nalaman na raw nilang baby boy ang dinadala ni Danica. Maayos na ngayon ang anak niya kahit medyo nahihirapan pa rin ito ng konti.
May naisip na raw sina Danica at Marc Pingris na ipangalan sa baby pero mabuting tiyakin na lang daw muna kina Danica.
May interview ang Startalk sa mag-asawang Danica at Marc na mapapanood sa Sabado.
***
Sa Startalk sa Sabado ay abangan n’yo ang mga sasabihin ni Manay Lolit Solis tungkol sa pagdating ni Gabby Concepcion sa bansa.
Ang dami nang nangungulit sa kanya para kunan ng pahayag pero tumanggi siya.
Mas mabuting abangan na lang daw sa Startalk. Siguro, hinihintay rin niya at baka meron pang sasabihin si Gabby sa kanya.
Sa tono ng mga pahayag niya nang mag-usap kami kahapon, parang natuwa si Manay Lolit sa pagdating ni Gabby. Napansin niyang parang ganu’n pa rin ang mukha ni Gabby at parang wala namang nabago.
Mukhang balak siyang kausapin ni Gabby dahil kinuha raw ang numero niya pero hindi pa sila nakapag-usap kahapon.
|