Binurdahan ng sangkaterbang saksak ng patalim sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang isang 32-anyos na pedicab driver matapos resbakan umano ng isang tambay na nauna namang naghamon ng suntukan sa biktima kahapon ng hapon sa Maynila.
Hindi na umabot ng buhay sa Gat. Andres Bonifacio Memorial Medical Center ang napuruhang biktima na si Elmer Santos y Ortega, huling naninirahan sa 987 Masinop St., Tondo.
Umiskiyerda naman ang tatlong lalaking suspek kung saan isa sa mga ito ang nakilala lamang sa alyas na “One Eye” dahil bulag umano ang isa sa mga mata.
Base sa inisyal na pag-iimbestiga ni PO3 Joseph Kabigting ng Manila Police District-Homicide Section, dakong alas-kuwatro kahapon ng hapon ng birahin ng saksak ang biktima sa panulukan ng Wagas at Paghanapin Sts., Tondo.
Pinaniniwalaang dati ng may namamagitang hindi pagkakaunawaan sa pagitan ng biktima at suspek na si alyas “One Eye”.
Nang magtagpo umano ang landas ng dalawa sa nasabing lugar kahapon ng hapon ay hinamon ng suntukan ni alyas “One Eye” ang noo’y nakatayo at nagpapahangin lamang na si Santos.
Pansamantala umanong naawat ng live-in partner ng biktima ang tensyon hanggang sa lumayo si alyas “One Eye” pero makalipas ang ilang minuto ay rumesbak itong muli kasama ang dalawa pang lalaki.
Nabatid na isa sa mga kasama ni alyas “One Eye” ang sumugod at siyang sunud-sunod na bumira ng saksak sa hindi na nakapanlaban pa umanong biktima. Nagsilbing back-up na lamang umano si alyas “One Eye” at ang isa pang lalaki na kasama nito.
Matapos ang insidente agad na tumakas ang tatlong suspek habang isinugod naman ang biktima sa pagamutan subalit hindi na naisalba pa.
|