Isang 18-anyos na dalaga na sinasabing problemado sa pag-ibig ang umano’y nagpatiwakal sa pamamagitan ng pag-
inom ng isang uri ng kemikal na ginagamit na panglinis ng pilak kahapon ng hapon sa Tondo, Maynila.
Dead-on-arrival sa Tondo General Hospital ang biktima na nakilalang si Mary Rose Bacani, huling naninirahan sa 164 Ampioco St., Tondo.
Ayon sa inisyal na imbestigasyon ni PO3 Crispin Ocampo ng Manila Police District-Homicide Section, mag-a-alas-kuwatro kahapon ng hapon ng mangyari ang insidente sa bahay ng isang kaibigan ng biktima sa Malaya St., Tondo.
Nabatid na ininom umano ng biktima ang kemikal na panglinis ng pilak. Taranta namang dinala sa ospital ang biktima ng mga kaibigan nito pero hindi na naisalba pa.
Lumilitaw pa rin sa pagsisiyasat ng pulisya na dalawang linggo pa lamang ang nakakaraan ay nagtangka na rin umanong magpatiwakal ang biktima sa pamamagitan naman ng paglaslas sa kanyang pulso pero naagapan lamang ito ng kanyang mga magulang.
Nabatid na dinibdib marahil umano ng biktima ang binabata nitong suliranin sa pag-ibig.
Samantala, ayon naman kay PO3 Ocampo, tumanggi na umano ang mga magulang ng biktima na magsagawa pa ng imbestigasyon ang pulisya sapagkat naniniwala ang mga ito na walang foul play sa likod ng naturang insidente.
|