WASHINGTON (AP) --- Walang perfect ending sa muling pagbabalik ni Agent Zero Gilbert Arenas.
Naghahabol ng dalawa ang Washington Wizards may 4.5 seconds na lang sa laro, sablay ang free throw ni Arenas pero hinabol niya ang rebound at umikot sa sulok bago nagpakawala ng 3-pointer na panilat sa Detroit Pistons.
Pero halos hindi nawala sa mga kamay ni Arenas ang bola. Ang ipinamigay pa ng Wizards na si Kwame Brown ang sumupalpal sa tira. Taas-kamay na humihingi ng foul si Agent Zero pagbagsak, pero wala.
Nahablot ni Caron Butler ang rebound pero mintis ang jump shot sa buzzer at nakaligtas ang Pistons 98-96.
“I’m going to think about that the way to Indiana,” ani Arenas, habang naghahanda ang team para dayuhin ang Pacers. “I should’ve called a timeout, or I should’ve just drove the lane off the rebound, but that’s what happened. We’ve got to live with it….Just had a mental block.”
Pwede na sigurong palagpasin dahil halatang kinalawang si Arenas sa unang laro sapul noong Abril 27, 2008. Lumiban ang three-time All-Star sa 156 ng unang 173 games ng Wizards kasama ang playoffs dahil sa knee injury na inabot ng tatlong surgery.
Tumapos pa rin si Arenas ng 15 points sa likod ng 3-for-12 shooting at 10 assists sa loob ng 30 minuto.
Bumalik pagkatapos ng anim na larong pagkawala dahil sa left groin injury, iginuhit ni Richard Hamilton ang 16 sa kanyang 31 points sa third para sa Pistons. Anim sa huling pitong laro na ang naipapatalo ng Detroit, pero kumakapit sa eighth place sa Eastern Conference.
Sa iba pang laro, nanaig ang Charlotte sa New York 96-85, sinunog ng Miami ang Milwaukee 102-85, ibinaon ng Houston ang LA Clippers 110-93, pinigil ng Utah ang Phoenix 104-99, sinuwag ng Chicago ang Indiana 112-106, pinayuko ng Denver ang Golden State 129-116, at sinagasaan ng Portland ang Memphis 86-66. |