May dagdag inspirasyon at motibasyon si Manny Pacquiao upang magtagumpay sa kanyang nalalapit na laban kay Briton Ricky Hatton sa Mayo 2 sa MGM Grand Arena sa Las Vegas, Nevada. Ito ay ang kanyang bagong kanta na may pamagat na “Lahing Pinoy”.
“Napakasimple ng melody at lyrics, siguradong mauunawaan ito ng mga Pilipino kahit isang beses lang nila marinig. Ngayon pa lang nagbibigay na ito ng inspirasyon sa laban ni Manny,” litanya ng composer ng kanta na si Lito Camo.
Ang naturang awitin ay itutugtog habang patungo si Pacquiao sa ring mula sa dugout.
Ayon sa report kahapon, karerekord pa lamang ng 30-anyos na Pinoy ring icon ang pinakabagong musika.
Kagaya nang nauna niyang kantang “Para Sa ‘Yo Ang Laban Na ‘To”, ang bagong awit na “Lahing Pinoy” ay sumasagisag din sa pagmamahal para sa bayan, na tuwinang pinagdidiinan ng kasalukuyang hari sa professional boxing kung pound-for-pound ang pag-uusapan.
Ayon kay Camo, napakagandang marinig ang nasabing kanta ng mga Pinoy habang pumapasok si Pacquiao sa ring para makatuos ang IBO jr. welterweight champ na si Hatton sa bakbakang tinaguriang “East versus West”.
Inaasahang magsisilbing inspirasyon din ang bagong kanta sa dalawa pang Pinoy boxers na sasabak.
Supporting bouts din sa Pacquiao-Hatton showdown sina Gerry Peñalosa at Bernabe Concepcion kontra kina World Boxing Organization super bantamweight champion Juan Manuel Lopez ng Puerto Rico at WBO featherweight king Mexican-American Steven Luevano. |