Sa isang atleta, ang layuning tumaas pa ang kahusayan ay araw-araw na dalangin. Maraming oras ang ginugugol sa pag-eensayo, ‘di masukat ang mga sakripisyo para sa disiplinadong buhay tungo sa pangarap na mga karangalan para sa sarili at sa ating bansa. Kadalasan, iba’t ibang paraan ang nilalatag ng ating mga sports institutions upang matulungang umakyat ang kalibre at tikas sa internasyonal na hapag ang ating mga National athletes.
Ang Philippine Sports Commission (PSC) at Philippine Olympic Committee (POC) ay inaasahang maglalatag ng tamang daan para marating ang “peak performance” ng ating mga atleta. May hakbang na nag-i-import ng mga banyagang coaches para maisagawa ang “paglipat ng makabagong teknolohiya”, kaalaman at winning experience sa kalidad na pang-daigdigan.
Mayroong mga biyahe sa iba’t ibang parte ng Timog-Asya, Asya, Amerika at pati na rin sa Europa ang naililinya sa ating mga atleta para masanay silang makipag-bakbakan sa mga “world class athletes” upang magka-kumpiyansa at masukat sa lalong madaling panahon kung puwede nga ba o malayo pa sa elite level ang ating mga representante sa internasyonal na entablado. Subalit, dahil na rin sa kakulangan sa pinansyal na suporta, kadalasan ay mas mahaba ang panahon na nasa Pilipinas lamang ang mga atleta natin.
Ibig sabihin, ay kailangan nilang mag-training sa ating mga “sports facilities” na dapat sana ay akma din sa kanilang mga lalaruan sa labas ng ating bansa. ‘Di po ba na marapat lamang na kung nais mong maging mas mahusay ang ating mga atleta ay dapat na pang-kalidad na “world class” ang kanilang pinaghuhusayan at pinag-eensayuhan?
Ang Rizal Memorial Sports Complex sa gitna ng Vito Cruz, Maynila ang University of Life, Theatre and Recreation (ULTRA) sa may Pasig, ang Teachers Camp sa Baguio City ang mga primerong training grounds ng ating mga kawal sa palakasan. Mga naluma na sa panahon at nakapagsilbi na ng maraming taon sa mga nagdaaang libu-libong national athletes.
Pero ang realidad at karapat-dapat ay magtayo na ng mas makabago at modernong training centers dito sa ating bansa. Dahil sa kasalukuyang kakulangan ng lugar para sa pagsasanay ng mga atleta, naglabas ng mungkahi si POC President Jose “Peping” Cojuangco na handa ang Hacienda Luisita na maglaan ng 50 na hektarya para magtayo ng isang “state of the art world class sports village na kalalagyan ng National Training Center” (NTC) sa may Tarlac. Kasama ang planong gawing may mga tirahan para sa mga national athletes at magamit din na regular na laruan ng “major international events”,
Sa ngayon ay mga pagkilos na nagaganap na sa tulong ng Olympic Council of Asia para sa paghahanap ng sapat na budget para sa pagtatayo ng istrakturang pinaplano sa Tarlac. Marami pang pagdadaanan na pagsubok, batikos, pagkwestiyon at paghamon ang naturang hakbang para sa National Training Center. Ang mga atleta ay nag-aabang at nagdarasal na sa panahon nila magawa ang NTC.
Panahon na para mag-isang boses tayo para sa kinabukasan ng palakasan sa ating bansa. Para sa kapakanan ng ating mga mahal na atleta... |