March 30 , 2009 Monday
NEWS ADVERTISE About the company Contact Info ARCHIVES
SEARCH Abante-Tonite
HEADLINES
Abante Online
PUBLIC SERVICE
 
Walang kapanatagan sa kalasingan
Kuya Rom
 

Dear Kuya Rom,
Itago mo na lamang ako sa pangalang Margie. Anim na taon lamang ako nang mamatay ang aking itay. Hindi na nag-asawang muli ang aking inay. Siya ang nagpalaki sa akin. Nang ako’y nakatapos ng high school, nagkaroon ako ng isang lalaking nagmahal sa akin. Kahit 12 taon ang tanda niya sa akin, kami ay naging mag-boyfriend.
Wala akong nakikitang problema sa aming relasyon, ngunit sa oras na lasing siya, nagugulo ang buhay namin. Hindi naman niya ako sinasaktan sa pisikal na paraan, ngunit nakasasakit sa akin ang kanyang mga salita kung siya ay lasing. Galit na galit siya kapag siya ay nakainom. Lumalabas ang mga sama ng loob niya sa mga bagay na matagal nang nangyari na dapat ay nalimot na.
Sinamahan ko siya sa kanyang paglalasing kaya’t hindi ko siya mapigil sa paglalasing. Apektado na lahat sa buhay namin dahil sa paglalasing. Gusto kong matigil na ito pero hindi ko alam kung paano. Kapag nahinto ang kanyang paglalasing, lahat ng problema namin ay malulutas -- ang aming pag-uusap, ang aming kaperahan, ang aming kalusugan. Mayroon po bang pag-asa? -- Margie

Dear Margie,
Sana mali ako sa aking palagay: Kayong dalawa ay naging malapit sa isa’t isa hindi dahil kayo ay nagmamahalan kundi dahil kayong dalawa ay laging magkasama sa inuman at kapwa ninyo nakahiligan ang kalasingan.
May pag-asa ba na mabago ang inyong buhay na dalawa? Ang may mas malaking pag-asa ay ikaw. Bakit? Sapagkat ang personal mong pag-amin na ikaw mismo ay naglalasing at batid mong ang paglalasing ay may malaking negatibong epekto sa iyong personal na buhay ay makatutulong para sa iyo upang makatakas sa kulungan ng masamang bisyong ito.
Sa tagal na ng panahong ikaw ay naglalasing, nakita mo ang masamang kinahihinatnan nito. Mabuting isulat mo ito at ipabasa sa lalaking ito kapag hindi siya lasing upang matulungan mo siyang makita ang nakikita mong kasamaang ibinubunga ng paglalasing. Isa-isahin mo. Halimbawa, ang perang nauubos sa paglalasing at perang maiimpok kapag hindi maglalasing, ang perang nagagastos sa doktor at gamot dahil sa paglalasing at perang matitipid kung hindi kayo magkakasakit dahil sa paglalasing.
Sa kanyang mga salita ikaw ay nasasaktan. Hindi mo ba naitanong sa iyong sarili na may posibilidad na hahantong ito sa mas malalang sitwasyon at darating ang araw na ang katawan mo na ang masasaktan? Masasakit na salita lamang ang inaabot mo ngayon dahil mag-boyfriend lamang kayo. Paano kung mag-asawa na kayo at lalong maging komportable siya sa pananakit sa iyo?
Ang payo ko: Lumapit ka sa Diyos at humingi ka ng karunungan at kalakasan mula sa Kanya upang ikaw ay manindigan sa kung ano ang matuwid at mabuti. Sa pamamagitan ng kalakasang galing sa Diyos, lumayo ka sa kapahamakan habang maaga pa. Makipagkalas ka sa kanya. Huwag mo nang isipin pa kung titigil ba siya sa paglalasing o hindi. Mas mahalagang isipin mo ang iyong kinabukasan. Sabihin mo sa kanya ang dahilan ng iyong pakikipagkalas: ang kanyang paglalasing at mga masasakit na salita. Nawa’y matauhan siya kapag naramdaman niyang seryoso ka sa iyong pakikipagkalas sa kanya at siya ay magbago at makawala sa bisyo ng paglalasing. Kung hindi naman siya magbabago, pasalamat ka sa Diyos pagkat binigyan ka Niya ng lakas ng loob na kumawala sa masamang sitwasyong ito habang maaga.
Margie, sa lalaking iyong idinaraing kung saan naghahari ang masasakit na salita ay wala kang katahimikan, ngunit sa Panginoong Jesus at sa Kanyang Salita ay makakatagpo ka ng kapanatagan. God bless you!
Payong kapatid,
Kuya Rom

 

Microsoft Internet Explorer 7 HOME NEWS EDITORIAL AND OPINIONS PUBLIC SERVICE ENTERTAINMENT SPORTS GREETINGS FEATURES