Kung nakagawian mo na ang isang bagay tulad ng pagsusulat, at ito’y biglang natigil ng hindi dahil sa sariling kagustuhan, (tulad ng isang karamdaman), ito na siguro ang pakiramdam ng isang usisero o tsismosang nabusalan. Panay lang pagmamasid, pero no comment. Kaya naman laking pasalamat ko sa tulad nina bossing Butch M. at Nick Q., at iba pang kabise sa Abante Tonite, na nagtiyagang ilaan ang dating espasyo para sa Usisero. Salamat.
Aaminin kong medyo nakalilito kung ano ang uunahing isulat sa karamihan ng mga kaganapan ng mga nakaraang buwan, pero mukhang running story naman ang mga ito, at ang iba’y hindi pa hinog. Ang nakaaaliw na sa 2010 pa mahihinog ay ang girian ng mga naglalaway sa Malacañang. Pasasaan ba’t mapipilitan ding lumutang ang mga ‘yan, o kaya’y tuluyang umatras at magbalik sa lungga. Sa ngayon, kitang-kita mas mamomroblema ang mga naturingang taga-administrasyon. Classic example nito ay si Kabayang Noli, na wala namang ibang klasipikasyon kundi “taga-administrasyon”. Pero hanggang ngayon ay ayaw siyang pormal na makilala, o sumanib sa mga partidong LAKAS o Kampi. At kitang-kita ring hangga’t maari ay iwas muna siyang mababasbasan ni GMA. (Sa kaibuturan ng kanyang puso, gugustuhin kaya niyang basbasan siya ni GMA? Ito na ba ‘yong “kiss of death”?) Bilib pa nga ako sa tulad ni Defense Sec. Gilberto Teodoro, o kaya’y Bayani Fernando, at least, masasabing “loyalist” sila ni GMA, at maghihintay lang ng kanyang kagustuhan.
Sa gawi ng oposisyon... masaya. Para bang may usapan na sila na.. Hoy, labu-labo na lang tayo sa 2010, ha? At kung maitataga sa bato ang mga sinabi ni Erap, na siya’y mapipilitang tumakbo kapag hindi nagkaisa ang mga nag-aambisyon sa oposisyon.. aba’y humanda na tayo sa kanyang kandidatura. Kung may pagkaka-isa man sa mga nasa oposisyon, ito’y ang pagnanasa ng bawa’t isa na siyang maging tenant ng Palasyo. Paaawat pa ba sina Manny Villar at Mar Roxas? May magbigayan naman kaya sa pagitan nina Chiz Escudero, Loren Legarda, Ping Lacson, at Jojo Binay?
At sina Among Ed at Gob. Grace Padaca? Huwag kayong mag-alala. Tiyak na may espasyo sila sa media.
|