March 30 , 2009 Monday
NEWS ADVERTISE About the company Contact Info ARCHIVES
SEARCH Abante-Tonite
HEADLINES
Abante Online
EDITORIAL & OPINION
 
Pakipot
Anthony Taberna


Nilinaw ni Pampanga Governor Ed Panlilio na hindi pa siya nagpapasya na tumakbo sa panguluhan sa 2010 elections.
Kung ang grupo raw nila na Kaya Natin! ay walang makikitang karapat-dapat ay saka lamang siya lulusong sa presidential derby.
Pero noong isang gabi, idineklara ni Among Ed ang kanyang plataporma kabilang na ang pag-usig sa kasong plunder laban kay Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.
Hindi rin daw niya idedeklarang bayani si dating Pa-ngulong Ferdinand Marcos dahil hindi raw ito maaatim ng kanyang konsensya.
Saludo ako sa kanya kung seryoso na huwag patakasin sa pananagutan sa batas si Ginang Arroyo sa dami ng mga alegasyon ng katiwalian at kuwestyunableng kayamanan nito at ng kanyang pamilya.
Maaaring marami rin ang matuwa na huwag ipali­bing sa Libingan ng mga Bayani si Apo Marcos sa paniwa­lang ito na nga ang pinakamasamang Presidente ng Pi-lipinas.
Pero ang punto rito, kung meron na palang mga plano si Gov. Panlilio, bakit hindi pa siya magdeklara ng dere-deretso?
Huwag ka nang Pakipot, Gov!
***
Sa graduation ng Class 2009 ng PNP Academy sa Cavite, iniutos ni Pangulong Arroyo sa mga ahensya ng gobyerno kabilang na ang Philippine National Police ang paghihigpit ng sinturon, ang magtipid!
Sa harap na rin aniya ito ng krisis pampinansyal na nararanasan ng buong mundo na nakakaapekto na rin sa ating bansa.
Binanggit ng Pangulo ang maagang pagpatay ng aircon sa mga opisina, matalinong pagkonsumo ng ilaw at ang masinop na paggamit ng mga sasakyan ng pamahalaan.
Kung makakatipid umano ng 1.5 porsyento ng maintenance and other operating expenses (MOOE) ang lahat ng ahensya ay aabot sa pitong bilyong piso ang sa­vings sa buong taon.
Magaling, Magaling, Magaling!
***
Kaysarap pakinggan ng utos ng Pangulo kung sa kanya unang manggagaling ang pagtitipid.
Sa tuwing maaalala ko kasi ang mga biyahe ni Pangulong Arroyo na tangay ang sandamakmak na taga-Palasyo at Palakpak Boys ng Kongreso, naiirita ako.
Hindi kaya naiisip ni Pangulong Arroyo kung gaano kalaki ang matitipid ng gobyerno kung iiwasan ang pagbiyahe o kung hindi man ay huwag nang isama ang isang barangay sa mga paglalakbay?
Joke ba ‘yung order niya na magtipid?
***
Maraming nag-e-email sa akin pero meron akong isang napansin na tila napapanahon sa tipid order ng Mahal na Pangulo.
Ito’y galing kay Jugie Gadaoni, isang overseas Filipino worker (OFW) na tubong Romblon na sumusubaybay sa ating mga programa sa radyo at telebisyon at pati na sa Sanggang-Diin.
Anthony,
Tanong ko lang kung magkano ang pamasahe ngayon sa eroplano papuntang America galing d’yan sa Pilipinas. Kung magkano ang bayad sa hotel at pagkain.
Kung mura lang at daang-piso lang naman, ok sana ‘tong pinaggagawa ng mga opisyal natin d’yan sa Pi-lipinas. ‘Yung pagsundo ng NBI sana (kay Col. Glenn Dumlao) at ngayon naman ay ng Bureau of Corrections (Director Oscar Calderon) kay (Col. Cesar) Mancao. Pero daang-libo ang gagastusin nila, dolyares at hindi sentimo, dolyares na pinagpapawisan naming mga OFW... Alam mo ba kung magkano ang kinikita naming mga ordinaryong OFW sa isang buwan? Tamang-tama lang na makabuhay at makapagpa-aral ng isang pamilya. Pero itong gobyerno natin ay kung saan-saan lang dinadala ‘yung pera. ‘Yung isang taon na inipon namin ay ilang araw lang kung igasta nila.
Napakasakit kung isipin, sino ba si Mancao? Sa kanya ba nakasalalay ang buhay natin at ganu’n na lang ka-importante na maiuwi siya at gagastusan ng ilang libong dolyar at susunduin pa. Kung hustisya ang pakay nila para sa pamilya Dacer, sana noon pa nila ginawa. Ano ang pinagkaiba ng pagkamatay ni Dacer du’n sa mga napatay sa amin sa Romblon. Hanggang ngayon may mga napatay du’n na ‘di pa rin nakakakuha ng hustisya. May ginawa ba ang DOJ du’n?
Sana Anthony, ‘yung ginastos nila o gagastusin pa para sunduin si Mancao ay ibili na lang nila ng mga pagkain at ipamigay du’n sa mga nasalanta ng bagyo, isang taon na ang nakalipas pero hanggang ngayon ay nagugutom pa rin at ‘di maka-recover o kaya ipaayos na lang nila ang power plant namin du’n sa tablas kasi ngayon ay gabi-gabi na lang brownout.
***
Ramdam ko ang hinanakit ni Jugie at hindi malayong ganito rin ang damdamin ng marami nating kababayan. Iyan kasi ang hirap sa ating pamahalaan -- iba ang tinitingnan sa tinititigan!
(tunying016@yahoo.com)

 

Microsoft Internet Explorer 7 HOME NEWS EDITORIAL AND OPINIONS PUBLIC SERVICE ENTERTAINMENT SPORTS GREETINGS FEATURES