Maselan ang isyu sa hostage crisis sa Sulu. Tatlong buhay: isang kababayan natin at dalawang dayuhan, ang nakataya rito. Konting pagkakamali lang ay maaaring mangahulugan ng kanilang katapusan.
Kailangan ang mahinahon at tahimik lang na negosasyon. Sa ganitong paraan, maaaring mapalambot ang mga dumukot sa tatlong Red Cross workers at palayain na ang mga ito for humanitarian reasons.
Hindi kailangan na magmistulang pelikula ang krisis kung saan nauuna pa ang putak ng bibig kaysa aksyon para mailigtas ang mga bihag.
Bigyang-prayoridad ang kaligtasan ng tatlong Red Cross workers at gawin ang lahat para masagip sila.
Pakatatandaan natin na hindi basta-basta mapapalambot ang puso ng mga taong dumukot sa kanila. Makailang-beses na itong napatunayan sa makailang-beses na rin na hostage crisis sa ating bansa.
Kapag nailigtas ang mga bihag ay saka na gawin ang mga kinakailangang aksyon. Pangunahin dito ang problema sa Mindanao na mistulang ‘wild, wild west’ sa kidnapping-for-ransom.
Ano ang nangyayari? Ilang beses na bang nagdeklara ang pamahalaan na pupulbu-sin ang mga bandido sa Mindanao. Pero hanggang ngayon naririyan pa rin sila, patuloy na nakakagala at naghahasik ng terorismo.
|