Kasabay ang alegasyong konektado sa pulitika at pagtakbo sa 2010 national elections, ipinukol ni Sen. Panfilo ‘Ping’ Lacson sa Malacañang ang katanungan kung bakit ngayon lamang tinutulungan ang pamilya Dacer.
Ayon kay Lacson, isa sa presidentiable ng oposisyon, maraming taon ang lumipas subalit nakakapagtakang binuhay ng Malacañang ang Dacer-Corbito double murder case ngayong nalalapit na ang 2010 national elections.
Mismong namayapang si National Bureau of Investigation (NBI) Director Reynaldo Wycoco ang inatasang mag-imbestiga sa Dacer-Corbito double murder case at ito’y nakaharap sa Senate hearing habang kainitan ang kampanya noong 2001 elections.
Kung walang bahid pulitika at walang kinalaman sa 2010 national elections ang pagpupursigi ng mga kampon ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo, dapat aniyang sinimulan ang paghahabol noong 2001 bago pa man umalis ng Pilipinas sina ex-Senior Supt. Cesar Mancao, Michael Ray Aquino at Glen Dumlao.
“Nakakapagtaka rin pati ang timing. Kung talagang pursigido ang ating gobyerno na mabigyan ng hustisya ang nangyari kina Dacer at Corbito, dapat mula 2001 pinagpursigihan na nila at 2001 pa umalis na sina Mancao, Dumlao at Aquino. Bakit ngayon sila napakapursigido kausapin si Mancao?,” ani Lacson.
|