March 30 , 2009 Monday
NEWS ADVERTISE About the company Contact Info ARCHIVES
SEARCH Abante-Tonite
HEADLINES
Abante Online
HEADLINES
 
‘DI MAKAPAG-ARAL NAG-SUICIDE
Ni Armida Rico
 

Pinaniniwalaang labis na dinamdam ng isang 21-anyos na binata ang kabiguan nitong makapag-aral at makatapos ng pangarap na kursong criminology kaya nagpasyang tapusin na lamang ang sariling buhay sa pamamagitan ng pagbigti kahapon ng madaling araw sa Makati City.
Walang natagpuang suicide note kaya iniimbestigahan pa ni PO3 Jason David ng Makati Police-Station Investigation and Detective Management Branch kung sadyang nag-suicide o nagkaroon ng foul play sa pagkamatay ng biktimang si Angelito dela Torre y Matibag, 21, service crew ng isang food chain at naninirahan sa No. 376-A Mangga St., Barangay Cembo, ng nasabing lungsod.
Batay sa inisyal na imbestigasyon, natagpuan ang bangkay ni Dela Torre dakong alas-tres ng madaling araw habang nakatali ang leeg nito sa isang nylon cord at nakabitin sa loob ng banyo ng kanilang bahay.
Sa pagsisiyasat pa rin ng pulisya, nalaman na nais kumuha ng kursong criminology si Dela Torre para makapasok bilang isang pulis.
Pero dahil umano sa hirap ng buhay at hindi kaya ng kanyang mga magulang na pag-aralin ang binata, nagkaroon ito ng sama ng loob at namasukan na lamang bilang service crew ng isang food chain.
Napag-alaman na upang mawala sa isipan at damdamin ang sama ng loob, palagi umanong nakikipag-inuman ang namatay sa kanyang mga barkada at umuuwing lasing.
Base naman sa mga pahayag ng barkada ng biktima na hindi nagpabanggit ng pangalan, tuwing kasama nila si Dela Torre ay lagi na lang nito binabanggit sa kanila na gusto niyang maglingkod sa bayan biglang isang matapang na pulis subalit hindi ito natupad dahil sa umano’y kawalan ng pangtustos ng kanyang mga magulang.
Ngunit may ikinuwento pa ang mga barkada ni Dela Torre na bago umano natagpuang patay ang binata ay nakipagtalo pa ito sa kanyang nobya na kinilalang si Harlyn Alegre, 20-anyos, estudyante at food attendant ng isa ring food chain.
Tungkol din umano sa kabiguang maging pulis ni Dela Torre ang pinagtalunan ng magkasintahan. Hindi naman makuhanan ng pahayag ang pamilya ng biktima tungkol sa pangyayari.
Samantala, sa pagsisiyasat ng mga tauhan ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) ng Southern Police District, maliban sa marka sa leeg dahil sa pagkakatali sa nylon cord ay wala namang external injuries na nakita sa katawan ng bangkay ng biktima.
Ngunit isasailalim pa rin sa awtopsiya ang labi upang masigurong walang naganap na foul play sa pagkamatay nito.

 

Microsoft Internet Explorer 7 HOME NEWS EDITORIAL AND OPINIONS PUBLIC SERVICE ENTERTAINMENT SPORTS GREETINGS FEATURES