MAS maaksyon, mas nakaaantig at mas kapana-panabik na mga eksena ang matutunghayan ngayong Lunes sa GMA Telebabad.
Kasama si Richard Gomez, tunghayan kung sino sa grupo ng Ang Babaeng Hinugot sa Aking Tadyang ang tutugma sa survey at magwawagi ng jackpot prize sa celebrity edition ng Family Feud.
Magkakasama sa Tadyang Family sina Paolo Contis, Francine Prieto, Angelu de Leon at Carlene Aguilar. Kalaban nila ang Hinugot Family na kinabibilangan nina Dingdong Dantes, Bb. Joyce Bernal, Carmi Martin at Paolo Ballesteros.
Susundan ito ng patas na pagbabalita ng mga pinakabago at maiinit na pangyayari sa loob at labas ng bansa sa 24 Oras.
Sa Zorro, babalik si Antonio Pelaez (Richard Gutierrez) sa kanilang bayan at isang engrandeng party ang inihanda ng kanyang mga magulang.
Handa na ba niyang harapin ang kanyang mga kaaway?
Sa Totoy Bato, makikilala ni Totoy (Robin Padilla) ang boxing trainer na si Coach Fredo (Eddie Garcia).
Aalukin siya nitong maging boksingero. Ito na ba ang simula ng isang magandang bukas para kay Totoy?
Makapigil-hininga ang mga eksena sa Ang Babaeng Hinugot Sa Aking Tadyang dahil makakatakas na mula sa kamay ni Rado (Paolo Contis) sina Homer (Dingdong Dantes) at Proserfina (Marian Rivera).
Umiigting ang mga eksena sa All About Eve. Tanggap ni Warren (Alfred Vargas) ang nakaraan ni Erika (Sunshine Dizon) bilang GRO. Magiging close naman sina Kenneth (Mark Antony Fernandez) at Nicole (Iza Calzado) sa Star Cruise.
At sa asianovelang Fated to Love You, babalik si Cindy (Joe Chen) sa kanilang isla para doon magpalipas ng mga araw dahil dumating na ang tunay na nobya ni Steven Ji, ang ama ng kanyang anak.
Hanggang kailan magtitiis si Cindy?
|