INIREREKLAMO ni Polo Ravales ang diyaryong Pinoy Parazzi na naglabas ng mga litrato nila ng kasalukuyang girlfriend niyang si Bianca Paz.
Sweet moments nila sa isang beach ang mga inilabas na litrato na kuha raw sa kanyang friendster.
Ang ikinasama pa ng loob ng aktor, maling balita pa raw ang inilabas ng diyaryong iyun na sinasabing ibinasura na raw siya nito.
“Hindi naman totoo iyun, eh. Nakakainis! Kinuha na nga nila sa friendster namin ang mga litrato na hindi man lang nagpaalam, pagkatapos, pinapalabas pa nilang ibinasura na raw ako ng girlfriend ko,” himutok ni Polo.
“Ang pangit kasi, eh. Ibinasura pa ang ginamit, parang ano naman ako. Nakaka-bad trip, eh,” patuloy nito.
Sana, naging responsable raw ang diyaryong iyun na magpaalam na gamitin ang litrato nila at sana, inalam kung totoo ang isinulat na balita.
Walang magawa si Polo kundi magreklamo na lang. Okay naman daw sila ng girlfriend niya at mabuting tahimik lang daw sila para hindi na maintriga.
***
Marami ang natuwa sa paglabas ni Rommel Adducul sa Startalk para ikuwento kung paano niya nalagpasan ang sakit na kanser.
Sinabi ni Rommel sa panayam sa kanya ng mga Startalk host na 100% magaling na raw siya at tinapos na ang mga treatment sa kanya gaya ng chemotheraphty at radiation.
Ang sabi naman ng asawa ni Rommel na si Dra. Jocelyn Cobankiat, hindi raw natin alam kung gaano katindi umatake ang cancer kaya hindi rin masasabi kung babalik ba ito o hindi,
Natutuwa lang daw siya kay Rommel dahil sobrang positive ito na gumaling kaya nakikita niya ang mabilis na pag-improve ng kalusugan nito.
Ang tanging hangad lang daw ni Rommel ay makabalik sa paglalaro kaya muli siyang binigyan ng pagkakataon ng Purefoods.
Kung libre ang schedule ni Rommel, gusto niyang magbigay ng mga inspirational talk sa mga taong dumadaan sa sakit na cancer.
Kahit paano ay makapagbigay-lakas naman daw siya sa mga taong nawawalan na ng pag-asa dahil sa naturang sakit.
***
Malapit nang matapos ang audition sa second season ng
Survivor Philippines at mas excited ngayon ang host na si Paolo Bediones dahil mukhang mas maganda ang line-up ngayon kesa sa unang season.
May narinig kaming isang kontrobersyal na beauty queen ang nag-audition at malaki ang chance na makapasok ito. Pinagtatalunan pa raw kung celebrity ito o hindi dahil hindi nito natapos ang kanyang reign bilang beauty queen.
Hindi raw kasi talaga puwede pag celebrity dahil hindi pa naman daw ito celebrity edition.
Sa mga gusto pang humabol sa audition, medyo kulang pa raw sa mga babaeng contestant, dahil karamihan ay mga lalaki ang nag-audition.
Medyo pahirapan daw ngayon sa pagpili ng mga lalaking castaway dahil maraming guwapo, magagaling at karakter na nag-audition.
***
Sa Abril 2, Huwebes, 5:00 PM pala ang audition ng mga batang babaeng kailangan ng Davis Films para sa isang indie movie na gagawin nila.
Edad 5 hanggang 8 ang batang babaeng hinahanap nila, kaya kung tingin n’yo pasok ang anak n’yo, dalhin ito sa tanggapan ng Davis Films sa ground floor ng Highway 54, EDSA katapat ng SM Megamall.
Magdala rin ng litratong close-up at whole body.
|