Halos apat na taon pa lang sa women’s volleyball, subalit nagawa ng Sports Vision at Shakey’s Pizza na dagsain ng manonood ang bawat laro sa liga.
Simple lang ang ginamit nilang formula: good games equal good product.
Dinagsa ng manonood ang katatapos na UAAP finals sa pagitan ng FEU at Adamson kahit wala ang mga mas sikat na eskuwelahan gaya ng UST at De La Salle.
Kinailangan pang pakiusapan ang ibang fans na hindi na makapasok dahil punumpuno na ang San Juan Arena.
Ang pagdumog ng fans ay una sa kasaysayan ng UAAP na dati ay halos kinatatamarang panoorin ang volleyball, pero dahil sa Sports Vision at Shakey’s na nakaisip ng Shakey’s V-League ay nagkakainteres na ang publiko sa laro.
Sa darating na fifth season ng Shakey’s V-League sa March 30 na magtatapos sa Women’s Month, isa pang blockbuster ang inaasahan sa pagsali ng walong teams, kasama ang dalawang provincial squads, na magtatagisan sa itinuturing nang premier women’s volley league.
Pinasimulan ng Shakey’s V-League ang hindi pa nagagawa sa larangan ng volleyball -- mapalalaki o mapababae -- na lahat ng laro ay napapanood araw-araw.
Dahil sa malaking kontribusyon sa palakasan, pinarangalan ng Philippine Sportswriters Association ang liga noong 2006.
|