Hindi pinagbigyan ng Olympic Tripartite Committee ang kahilingan ng Pilipinas na makapagpasok ng tatlong wildcard entry sa shooting, weightlifting at tennis para sa 29th Summer Olympic Games sa Beijing, China sa darating na Agosto 8-24.
Ayon kahapon kay Philippine Olympic Committee president Jose Cojuangco, Jr., pinaboran ng OTC, na ibigay na lamang iyon sa mga bansang may anim pa lamang na kasaling atleta sa Beijing Olympics.
“Malungkot tayo syempre sa balitang ‘yan. Pero wala na tayong magagawa. Thirteen na kasi ang entries natin, 11 ang pumasa sa mga qualifying at dalawang token sa athletics,” lugog-lugong pahayag ni Cojuangco.
Dahil dito, wala ng tsansa na maikasa ng RP sina shooter Eric Ang , Fil-Am netter Cecil Mamiit at promising lady lifter Hidilyn Diaz.
Ang mga may Beijing slot na ay sina Mark Javier sa archery, Miguel Molina, Ryan Arabejo, Daniel Coakley, John Brian Walsh at Cristel Simms sa swimming, Shiela Mae Perez at Rexel Ryan Fabriga sa diving, Harry Tanamor sa amateur boxing, Marie Antoinette Rivero at Tshomlee Go sa taekwondo, Sheena Atilano at Henry Dagmil.
|