Dear Tita Nora,
Eagle na lang ang itawag mo sa akin. Thirty five years old, binata.
Dalawa ngayon ang syota ko. Isang sexy at isang chubby. Three years na kami nu’ng chubby pero itong sexy ay 1-year pa lang. Di alam ni chubby na may iba pa ako, di rin alam nu’ng sexy na may ka-on na ako bukod sa kanya.
Mas proud ako pag kasama itong sexy. Presentable kasi at lutang ang beauty. Di gaya ng tunay kong syota na tumaba na mula nang tumuntong ng edad 30. Mas bata si sexy sa kanya ng 5-taon.
Kung sa ugali ay di hamak na mabait at maunawain si chubby. Wala siyang ka ere-ere, marunong magpakumbaba at tumanggap ng pagkakamali.
Halos magkapareho ang pananaw namin at pag magkasama kaming dalawa ay masarap kausap at masayang kasama. Ito namang isa, palibhasa ay sexy, mataas ang ego. Malambing siya pero bungangera, mahilig sa ‘siyete’ at madalas mapaaway dahil mataray. Magandang pan-display pero di okay i-bahay.
Nalilito ako kung sino sa kanila ang tototohanin ko. Hinihiling ko ang payo mo.
Eagle
Dear Eagle,
Unang-una’y gusto ko munang malaman kung sino ang mas matimbang sa puso mo. Ikalawa’y ano ba ang basehan o panuntunan mo sa isang babae at sa pakikipagrelasyon? Sino rin ba ang mas susundin mo, ang pangungutya, papuri ng iba o ang totoong nararamdaman mo?
Kung ayaw mong maguluhan ay isa na lang ang karelasyunin mo’t seryosohin. Hindi rin kasi tamang pagkumparahin o hanapin mo sa isa ang pagkukulang ng isa. Hindi lahat ng tao ay pare-pareho. Pero ngayong bukas-mata mo ng nakikita ang kaibahan ng hitsura at diperensiya ng pagkatao nila’y ikaw na ang tumimbang, pumili at humusga tutal ay ikaw naman ang nakakasama nila.
Tandaan mo lang sanang kumukupas ang panlabas na kaanyuan pero ang tunay at natural na pagkatao ay mahirap nang mabago.
Aanhin mo naman ang maganda at pan-display na syota kung sakit lang ito ng ulo dahil sa ‘bruha’ niyang pagkatao. Mas maiging piliin mo ang isang babaeng bukod sa napapasaya ka na’y compatible pa kayo. Maging wise ka sana sa pagpili, iho.
Good luck and God bless you.
Love,
Tita Nora