Dear Kuya Rom,
Minsan po ay nakasalubong ko sa mall ang dating boyfriend ng best friend ko. Nagkuwentuhan kami at tuloy kumain sa fastfood park. Sinabi niya sa akin na hindi maganda ang pagkakahiwalay nila ng best friend ko dahil nag-away sila.
Ipinagtapat din niya na may nangyari na sa kanila noon, hindi lang ito nagkabunga.
Ang issue nila ay maliit na bagay lamang pero lumaki ito hanggang sa nakipag-break sa kanya ang best friend ko. May ilang buwan din silang ‘di nagkita. Ang sumunod na pagkikita nila ay may asawa na at anak ang best friend ko.
Dalawang taon na ang nakalipas nang ‘di sinasadyang magkita kami sa mall ng kanyang dating boyfriend. Mula noon naging close na kami, iniingatan niya ako at nakikita kong ayaw niyang mangyari sa amin ang pagkakamaling nagawa nila noon.
Ngayon ay tiyak naming may damdamin kami para sa isa’t isa. Nanliligaw siya sa akin. Hindi ko pa siya sinasagot, pero alam kong mahal ko siya. Hindi alam ng best friend ko na nakikipag-date ako sa dati niyang boyfriend.
Mali po ba ang makipag-boyfriend ako sa dating boyfriend ng best friend ko?
-- Kaira
Dear Kaira,
May mga taong hindi maganda para sa kanila na malaman at nakikitang nakikipag-date ang best friend nila sa dati nilang kasintahan. Pero ayon sa iyong kuwento, may asawa na at anak ang best friend mo. Ibig sabihin nito, malaya na ang dati niyang boyfriend na makipagrelasyon sa iba.
Besides, maliwanag na hindi mo sinadya na makipagrelasyon sa kanyang dating boyfriend. Hindi mo rin inaagaw sa kanya ang kanyang dating boyfriend. Nagkataon lamang na nagkita kayo sa mall at dito nag-umpisa ang inyong pagtitinginan.
Kung tunay na kayo’y nagmamahalan, isipin mo na ang tunay na pag-ibig ay hindi kailangang itago o ilihim. Ang isang malinis na pag-ibig ay hindi kinakahiya.
Bilang isang mabuting kaibigan, ipagtapat mo sa best friend mo ang buong katotohanan. Ang pagiging tapat ay makabubuti sa iyo, sa iyong relasyon sa lalaking ito, at sa relasyon mo sa iyong best friend.
Kung anuman ang magiging reaksyon niya sa sandaling malaman niya ang totoo, nasa kanya iyon. Hindi mo problema ito pagkat nakabatay ito sa kanyang pagkatao at hindi dahil sa nakaraan. Kung mayroon mang nasaktang damdamin noon, kailangang magpatawaran upang makapagpatuloy na mabuhay ng tahimik.
Kung tunay na best friend ka ng best friend mo, she will be happy for you. Bilang kaibigan niya, dapat na magiging maligaya siya para sa iyo. God bless you!
Payong kapatid,
Kuya Rom