Nang talakayin natin noong nakaraang Miyerkules ang tungkol sa mga programa ni dating Pangulong Ferdinand Marcos na puwedeng gayahin ng kasalukuyang administrasyon upang maagapan ang problema sa kanin, tumanggap tayo ng marami-raming reaksyon mula sa mga may muwang na noong panahon ng Martial Law.
Dahil sa kakapusan ng espasyo, isa lamang ang maaari nating ilathala na ang nagsulat bagama’t nasa ibayong dagat na ay may pakialam pa rin sa ating inang-bayan!
Ang liham ni Ginoong Paquito Rey Pacheco mula sa napakalamig na lugar ng Winnipeg, Canada ay puwedeng ikonsidera ng pamahalaan na ngayon ay nag-aapuhap ng remedyo sa nakaambang kakapusan sa supply ng pagkain:
Dear G. Taberna,
Mabuhay ka. Lagi kong binabasa ang iyong mga kometaryo sa Abante, dito sa Winnipeg, Manitoba Canada sa pamamagitan ng Internet. Tungkol sa bigas, dahil sabi mo’y “wala ka pang muwang nang mamayagpag si Marcos” pero nabalitaan mo sa mga matatanda ang tungkol sa matagumpay na programa ng gobyerno sa produksyon ng palay noon.
Gusto kong makaambag ng aking nalalaman tungkol sa industriya ng bigas kung iyong mamarapatin.
Ang Masagana 99 na programa ng gobyerno noong panahon nang Marcos administration ay nagtagumpay dahil nga sa mga programang tulong sa mga magsasaka tulad ng pautang, subsidiya sa pataba (abono) gamot sa mga sakit ng palay, mataas na uring binhi at iba pa pero higit sa lahat ay sa tulong ng mga field worker ng gobyerno mula sa Bureau of Plant Industry at Agricultural Extension Commison at higit sa lahat ay ang puspusang tulong ng mga Rural Broadcasters sa buong bansa na nagsasahimpapawid ng mga programang pang-agrikultura tuwing ika-5 hanggang ika-6 ng umaga.
Ang mga tagapagbroadkas pangkabukiran ay sumailalim ng pagsasanay sa International Rice Research Institute (IRRI) sa Los Baños, Laguna na ang naging Executive Secretary Rafael Salas ang siyang nag-ayos. Kaya ‘yong teknolohiya na itinuturo sa pamamagitan ng radio broadcast ay inilalagay sa aktuwal na dapat gawin ng mga magsasaka sa pamamagitan ng mga extension woker. Kaya totoong naging maganda ang aning palay kahit na noon ay biktima rin ng mga kalamidad tulad ng bagyo ang mga magtatanim ng palay.
Nakapagluwas nga ng bigas ang Pilipinas sa Indonesya at Malaysia noon pero hindi nanggaling sa ani ng mga magsasaka natin. May batas kasi noon sa Amerika, ang USA Public Law 480 na nagpapautang ng bigas-California na babayaran lang sa loob ng mahigit sa 20-taon. Umutang ang gobyerno noon bilang buffer stock kahit inaasahang may magandang ani. ‘Yon ang sinasabing surplus ng Pilipinas na ang iba ay nabenta naman sa mga feed millers natin.
Hindi lahat ay maganda sa programa. May mga magsasaka na hindi nakabayad ng kanilang pagkakautang sa gobyerno. Sabi ni Marcos -- normal lang ‘yon dahil kahit sa negosyo ay may mga bad debt. Ang mahalaga ay mga magsasaka natin ang nakinabang kaysa suportahan ang mga foreign farmers na karamihan ang kanilang kaalaman ay rito lang nila sa Los Baños napag-aralan. Marami pa akong masasabi tungkol sa isyu ng bigas, mag-email ka lang sa akin kung nais mong malaman.
Ako’y 75 taon na ngayon at kaya ako nakapagkukuwento sa iyo ay dahil ako ang Chairman ng Rural Broadcasters Council of the Philippines noon. Kung gusto mong mapatunayan ang aking kuwento, itanong mo kina Domingo “Ding” Panganiban, Sonny Escudero, Jess Tanchanco at kahit kay Kit Tatad at iba pang mga naging kagawad ng gabinete noon -- sino ba si Paquito Rey Pacheco?
***
Kahit anong paliwanag ang gawin ng Korte Suprema, hindi pa rin maikukubli ang katotohanan na nagkaroon ng duda sa integridad nito ang mamamayan makaraang kampihan ng siyam sa labinlimang mahistrado ng Korte Suprema sa executive privilege na isinangkalan ni Ched Chairman Romulo Neri kaugnay ng ZTE-NBN scandal.
Salamat sa paninindigan ng anim na mahistrado sa pangunguna ni Chief Justice Reynato Puno na ngayon ay tinatawag na bilang ‘A Few Good Men’.
Ano nga ba ang habol ng taumbayan sa mga mahistrado na halatang nadiktahan? Meron pa bang mas mataas sa Mataas na Hukuman?
Naalala ko tuloy ang sinabi ng yumaong Chief Justice Fernando “Kapag nagkamali ang Justice of the Peace (Municipal Trial Court ngayon), maaari itong ituwid ng Court of First Instance (Regional Trial Court). Kapag nagkamali ang Court of First Instance, maaari itong ituwid ng Court of Appeals. Kapag nagkamali ang Court of Appeals, maaari itong ituwid ng Korte Suprema. Kapag nagkamali ang Korte Suprema, ang pagkakamali’y nagiging batas! Anak ng Bakang Dalaga!
(tunying016@yahoo.com)