MARCH 28, 2008
NEWS ADVERTISE About the company Contact Info ARCHIVES
SEARCH Abante-Tonite
Abante Online
EDITORIAL & OPINION
 
Diploma mill
Raymond Burgos


Delikado ngayong matanggal sa kanyang puwesto ang isang cabinet minister sa Thailand dahil sa kanyang bachelor’s degree diploma na nakuha niya mula sa isang maliit at hindi kilalang kolehiyo dito sa Pilipinas.

Maraming dapat ipaliwanag sa kanyang gobyerno itong si Sutha Chansaeng na kasalukuyang minister of social development and human security sa Thailand.

Una na rito ay kung papaano siya nakakuha ng college diploma (Bachelor of Science in Commerce-Management) mula Republican College noong 1984 gayung 1994 lang siya naisyuhan ng una niyang passport.

Base sa record ng kanyang passport, imposibleng nakapag-enrol si Chansaeng sa Republican College mula 1980 hanggang 1984 dahil nga 1994 lang niya nakuha ang kauna-unahan niyang pasaporte mula sa kanyang bansa.

Lalung mababaon si Chansaeng kung hindi niya masasagot kung saan ang lokasyon ng Republican College (matatagpuan sa No. 42 18th Avenue, Murphy, Quezon City) at kung saan siya tumira habang nag-aaral sa naturang kolehiyo.
Makakalusot lang si­guro si Chansaeng kung lalabas na “correspondence school” ang ginawa niyang pag-aaral sa Republican College pero kailangan dito ang koroborasyon ng administrasyon ng natu­rang kolehiyo.

Pero hindi na natin problema kung matanggal sa puwesto si Chansaeng dahil wala naman tayong pakialam sa pulitika ng bansang Thailand.

Ang dapat ikabahala ng ating pamahalaan ay ang pagkakaroon ng mga kolehiyo gaya ng Republican College na sa saligan ay nagsisilbing “diploma mill” sa mga taong nanga­ngailangan ng college diploma gaya ni Chansaeng na noong unang tumakbo bilang councilor sa Thailand noong 1985 ay sinabing Grade 12 (katumbas ng high school graduate) lang ang kanyang tinapos.

Ang mga ganitong balita hinggil sa paglipana ng mga “diploma mills” sa ating bansa ang isang dahilan kung bakit nagiging tampulan ng panlalait ang ilan nating mga kababa­yang propesyunal na nagtratrabaho sa ibang bansa.

Dito natin makikita na bagama’t hindi tama ay mayroong batayan ang naging diyalogo sa Hollywood TV series na “Desperate Housewives” kung saan kinuwestiyon ang credential ng isang duktor na baka galing lang sa isang medical school sa Pilipinas ang kanyang diploma.

Mas malaking dagok para sa administrasyon ni Gng. Gloria Macapagal-Arroyo ang pagkakaroon ng diploma ni Chansaeng mula sa Republican College dahil indikasyon ito na masamang sintomas sa sistemang edukasyon sa ating bansa.

Kung sinsero ang gobyerno ni GMA na pahusayin ang kalidad ng edukasyon sa Pilipinas, dapat ay matagal nang nagkaroon ng crackdown sa mga patakbuhing paaralan na masakit mang sabihin ay nagiging “front” na lamang para sa mga gustong bumili ng diploma gaya ni Minister Chansaeng ng Thailand.

Malaking hamon ang kaso ni Chansaeng para sa Commission on Higher Edu­cation na pinamumunuan ngayon ni Secretary Romulo Neri dahil magiging repleksyon sa kanyang administrayon bilang CHED chairman ang patuloy na pag-iral ng mga mababang kalidad ng kolehiyo gaya ng Republican College.

Hindi puwedeng ga­wing dahilan ni Neri ang kanyang pagiging sobrang busy sa isyu ng ZTE-Broadband deal dahil tungkulin niya bilang CHED chairman ang siguruhin na mataas ang kalidad ng mga kolehiyo sa bansa.

Sa pinal na pagsusuri, hindi kasalanan ng Republican College kung bakit ito patuloy na nakakapag-operate. Mas malaki ang pananagutan ng CHED at gobyernong Arroyo kung bakit nabibigyan ng lisensiya ang ganitong klase ng paaralan na ngayon lang natin narinig kung hindi pa naging isyu laban sa cabinet minister ng Thailand.

Hindi malayong mabanggit na namang ehem­plo ito sa isang Hollywood TV series at kung magkagayon ay wala na tayong karapatang mag-protesta dahil lalabas na mas kahiya-hiya tayo kung gagawin natin ito.

 

Microsoft Internet Explorer 7