MARCH 28, 2008
NEWS ADVERTISE About the company Contact Info ARCHIVES
SEARCH Abante-Tonite
Abante Online
EDITORIAL & OPINION
 
Paggawa ng batas
Darlene Antonino-Custodio


Natutuwa po ako na maraming nag-react sa nakaraang column natin tungkol sa Foster Care tulad ni Mr. Carlino C. Marami rin nga ang nagtanong kung paano sila makakapag-participate sa foster care program na ipinaliwanag ko.

Nais ko pong linawin na ang panukalang batas ko sa foster care ay hindi pa ganap na batas at kailangan pa ang mahaba at masusing proseso sa Kongreso gayong pumasa na ito sa committee level dahil lubos namang sinuportahan ito ng mga kasamahan kong mga kongresista na naniniwala sa positibong idudulot ng nasabing panukalang batas sa sandaling maging ganap itong batas.

Hayaan n’yo pong bigyan ko kayo ng simpleng paliwanag kung paano gumawa ng batas.

Ang isang panukalang batas na isinusulong ng isang mambabatas ay kailangan munang mabasa o dumaan sa “first reading” sa Plenaryo ng House of Representatives bilang unang hakbang. Pagkatapos ay dadalhin ito sa Committee kung saan nakasailalim ang buod ng pa­nukalang batas. Gaya ng ating Foster Care Bill halimbawa, na naka-assign sa House Committee on Social Welfare.

Maraming debate at pag-aaral ang gagawin ng mga kongresistang miyembro ng nasabing Committee, mga pag-uusap, pagtatanong, pagtatalu-talo, at mga pagsasaliksik, upang masiguro na lahat ng titik ng nasabing panukalang batas ay angkop, tapat at karapat-dapat para sa kapakanan ng mga Pilipino.

Kapag pumasa na ang nasabing panukalang batas sa Committee level, muli itong dadalhin sa Plenaryo kung saan maaaring may mga pag-debate pang magaganap sa “second” at “third” readings.

Sa sandaling malagpasan na ng nasabing panukalang batas ang mahaba at masu­sing prosesong ito sa Mababang Kapulungan ay dadal­hin naman ito sa Senado upang dumaan muli sa parehong pro­seso ng first reading, committee level appro­val, se­cond, at, panghuli nga, ang third reading.

Mas madali ang pagpasa sa isang panukalang batas kung walang maraming pagtututol at pagtatanong ukol dito at kung lahat ng mambabatas ay kumbinsido sa katuturan, kabutihan at hustisya ng nasabing panukalang batas.

Sa sandaling ma-approve ng dalawang kapulungan ng Kongreso, ito ay ipadadala na upang mapirmahan ng Pangulo, ang huli at ganap na hakbang upang ang nasabing panukalang batas ay ganap na maging batas.

Ito po ang simpleng paliwanag lamang. Lubhang hindi madali at matagal ang proseso ng paggawa ng isang batas.

Ang mahaba at masalimuot na proseso ay sinadya at pinagtitibay ng ating Saligang Batas upang masiguro na lahat ng batas ng bansa ay hindi maaaring magamit upang abusuhin ang karapatan ng bawat Pilipino, bagkus magdudulot ng pawang kabutihan lamang para sa lahat at magpapahalaga at magpatatag sa karapatang pantao nating lahat.

Ipinapangako ko po sa lahat ng nag-text tungkol sa Foster Care na aking pag-iibayuhin pa ang pagtatrabaho at ang pagtutok sa ating panukalang batas upang mas mabilis at matiwasay nitong makumpleto ang angkop na proseso upang ito ay maging ganap nang batas para sa kapakinabangan nating lahat.

Patuloy ko po kayong inaanyayahan na ipadala sa akin sa mydarlene2007@yahoo.com o kaya ay i-text sa numerong 09292144014 and inyong mga tanong at mga opinion, mga kwento at mga suhestyon. Sana po ay ilakip ninyo ang inyong pangalan at address sa inyong mga liham at text messages.

 

Microsoft Internet Explorer 7