MARCH 28, 2008
NEWS ADVERTISE About the company Contact Info ARCHIVES
SEARCH Abante-Tonite
Abante Online
HEADLINES
 
NERI NANAIG NA ANG TAKOT
Bernard Taguinod With Nonnie Ferriol
 

Takot ang nangingi­babaw kay Commission on Higher Education (CHED) chairman Romulo Neri kaya nagpipilit itong magtago sa executive privilege at pinagtatakpan ang katotohanan sa maanomalyang ZTE-National Broadband Network (NBN) deal.

Ito ang sinabi kahapon ni CIBAC party-list Rep. Joel Villanueva subalit hindi pa rin nawawalan ng pag-asa ang oposisyon na darating ang araw na magsasabi ito ng totoo sa broadband scandal.

Ayon kay Villanueva, alam ni Neri kung paano maglaro ang mga alipores ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo kaya sa ngayon ay takot pa rin ang nangingibabaw sa naturang opisyal.

“The people have lost Chair Neri on this one, a long time ago, whether because of fear, self pre­servation or indifference,” pahayag pa ni Villanueva.

Dahil din umano sa matinding takot ni Neri kaya ito dumulog sa Korte Suprema upang hindi siya mapilit ng Senado na magsalita dahil kapag ginawa niya ito ay siguradong magagalit sa kanya si Mrs. Arroyo.

“Baka hindi niya gustong ipahamak ang Presidente kaya pumunta sa SC. Kapag ginawa kasi niya ‘yun, lagot siya,” ayon pa sa kongresista.

Subalit sa kabila nito, umaasa si Villanueva na darating ang araw na mawawala ang takot ni Neri at magsasabi na ito ng buong katotohanan sa nasabing kontrobersya kahit may ruling na ang SC na pabor sa kanyang petisyon.

Para naman kay Anakpawis party-list Rep. Crispin Beltran, damay na si Neri sa galit ng taumbayan kay Arroyo.

“Makakasama na siya sa kamumuhian ng mga tao,” pahayag ni Beltran dahil mas pinili nito ang interes ni Arroyo kumpara sa interes ng sambayanan.

Subalit ayon kay Beltran, may pagkakataon pa si Neri na ibangon ang kanyang sarili sa pamamagitan ng pagsasabi ng katotohanan kung ano ang naging papel ni Arroyo sa nasabing kontrata.

Hindi naniniwala ang kongresista na habambuhay na mananahimik si Neri dahil kukurutin umano ito ng konsensya.

Samantala, kahapon ng umaga, sinalubong ng kilos-protesta si Neri nang magtungo ito sa University of the Philippines (UP) sa Diliman, Quezon City.
Nagsama-sama ng puwersa ang mga estudyante at mga empleyado ng UP para ipakita kay Neri ang kanilang matinding pagkadismaya sa pagtatakip nito sa katotohanan.

Si Neri ay nagtungo ng UP para dumalo sa regular meeting ng UP Board of Regents (BOR). Si Neri ang kasalukuyang chairman ng UP BOR.

Kabilang sa mga pla­cards na sumalubong kay Neri ay may nakasulat na: Neri resign, tell the truth, Neri do not protect the evil in Malacañang at mayroon ding “Neri ladlad na.”

Binalewala naman ni Neri ang mga kilos-protesta sa halip ay sinabi nito na naiintindihan niya ang sentimiyento laban sa kanya.

Ayon kay Clodualdo “Buboy” Cabrera, pangulo ng UP Workers Union, kailangan nilang gawin ang picket rally sa pagdating ni Neri upang ipaalala rito na may duty ito bilang isang tunay na UP official para sabihin ang katotohanan kaugnay sa kontrobersyal na ZTE deal.

“Nakakahiya bilang isang taga-UP, nakikipag­laban kami sa katotohanan at hustisya samantalang ang pinakapuno namin ay mukhang gamit ng kasinungalingan ng ating pangulo ngayon. Bilang kawani ng pamahalaan sa amin dapat unahin ang public trust,” pahayag ni Cabrera.

Anila, kung hindi ka­yang magsabi ng katotohanan ni Neri ay mas makakabuting magbitiw ito sa kanyang posisyon bilang chairman ng BOR.

“Dapat magbitiw siya kung di niya kayang isiwalat ang nalalaman sa ZTE,” pahayag pa ni Cabrera.

 

Microsoft Internet Explorer 7