Pumirma si Dingdong Dantes ng three-year contract sa GMA Films nu’ng Miyerkules. Doon in-announce ni GMA Films president Annette Gozon-Abrogar na gagawin nila ang pelikula ni Dingdong kasama sina Marian Rivera at Iza Calzado.
Isang romance-drama ang gagawin nila at target nila ang August playdate dahil iyun ang buwan ng birthday ng tatlong bida.
Bagong gupit ngayon si Dingdong para iba ang look niya sa Dyesebel na malapit nang magsimula.
Sa contract-signing, ipinagtanggol ni Dingdong si Marian na madalas ay nasasangkot sa mga negatibong intriga.
Hindi naniniwala ang aktor na nagbago na ang ugali ni Marian at naging talakera ito.
Hindi raw nagbago si Marian magmula nang magsama sila sa Marimar. Laging pinagsasabihan na lang daw niya ang aktres na ang mga ganitong paninira ay kasama sa pag-angat ng career.
Hindi nag-comment si Dingdong tungkol sa napabalitang boyfriend ni Marian na si Ervic Vijandre. Hindi raw nila napag-uusapan ni Marian ang mga ganu’ng personal na bagay.
Hindi rin niya masagot ang tanong namin kung ano ang naramdaman niyang parang halos magkamukha sila ni Ervic.
Hindi pa raw niya nakikita o nakilala ito kaya wala siyang masasabi.
Nang ipinakita ko kay Dingdong ang litrato ni Ervic, hindi na siya nagsalita.
***
Pagkatapos ni Dingdong, si Dennis Trillo ang iniharap ng GMA Films sa iilang miyembro ng entertainment press para kumpirmahin ang pelikulang gagawin niya sa Italy kasama si Jolina Magdangal.
Malaking karangalan daw kay Dennis na siya ang ipinalit kay Gabby Concepcion.
Malaki ang pasasalamat ni Dennis sa GMA 7 dahil hindi raw siya pinabayaan sa panahong namiligro ang kanyang career.
Aminado siyang naapektuhan ang kanyang career nang nagkaproblema sila ni Carlene Aguilar at napasok pa sa isyu si Cristine Reyes.
Umaasa siyang sa pelikulang gagawin niya sa GMA Films ay babalik sa dating sigla ang kanyang career.
Okay na okay na raw sila ni Carlene at ginagampanan daw nila ang kanilang responsibilidad bilang magulang ni Calix.
Hindi pa raw nila pinag-uusapan ang binyag ng baby pero malamang na pagbalik niya galing Italy ay aayusin na raw nila ito.
Naikuwento na rin ng taga-GMA Films na si Calix ang inilagay ni Dennis na beneficiary sa kanyang insurance na kinuha ng GMA bago ito magbiyahe.
“Siyempre, anak ko siya. Siya ang karapat-dapat na beneficiary,” pahayag ng aktor.
***
Birthday celebrators sa buwan ng Marso ang mag-asawang Tonton Gutierrez at Glydel Mercado, at si Lotlot de Leon.
Nag-sponsor si Nadia Montenegro ng birthday party para sa kanila nu’ng Miyerkules sa Mezze bar.
Close friends lang nila ang dumalo, at nagulat ako sa mga anak ni Lotlot na dumating dahil dalaga na sila at napakagaganda.
Nagpapasalamat si Lotlot dahil nagkaayos sila ni Monching kaya napalaki nilang matino ang kanilang mga anak.
Hinihintay na lang daw nila ni Monching ang desisyon ng korte sa kanilang annulment. Handa raw siyang ma-in love muli at magkaroon ng panibagong relasyon pero wala raw ngayon.
“Ihanap mo nga ako,” biro ni Lotlot sa akin.
Ayaw raw niyang magpa-pressure dahil marami siyang pinagkakaabalahan sa ngayon lalo na’t may bagong soap na naman siya sa GMA 7.
Nagbago ang mukha ni Lotlot nang itinanong namin sa kanya ang tungkol sa pagdating dito ni Norie Sayo.
Wala raw siyang balak na kausapin pa ito.
“Wala siyang space sa buhay ko, kaya hindi ko na iniisip iyun,” pahayag ng aktres.
Ang concern na lang daw ni Lotlot ay ang pagbalik dito ni Nora Aunor. Inaayos pa raw ang papeles ng pagbalik dito ng superstar at sana raw ay mangyari ito ngayong taon.
Samantala, iisa ang birthday wish nina Tonton at Glydel na sana ay masundan na ang kanilang anak na si Aneeza.
Mag-aapat na taon na ang kanilang panganay kaya tamang-tama lang na masundan na ito. Sana raw ay baby boy naman.
***
May kumalat pala na isyung nagkatikiman daw sa Boracay sina Polo Ravales at Denise Laurel.
May nakakita daw kay Denise na lumalabas sa kuwartong tinutuluyan ni Polo.
Namataan ko si Polo na naglalakad kasama si Denise pero walang malisya sa akin iyun dahil grupo silang nagliliwaliw sa Boracay.
Itinatanggi ni Polo ang intrigang iyun. Malabong mangyari raw iyun dahil kasama raw niya ang kapatid niya sa kuwarto.