MARCH 28, 2008
NEWS ADVERTISE About the company Contact Info ARCHIVES
SEARCH Abante-Tonite
Abante Online
CRIME NEWS
 
Magkakabukingan sa price control
Bernard Taguinod
 

Magsasagawa ng imbes­tigasyon ang Mababang Kapulungan ng Kongreso kung naipatutupad ng gobyerno ang Price Control Act na planong patapangin pa ng kapulu­ngan sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin.

Nais malaman ni House Speaker Prospero Nograles Jr. kung ilang negosyante na ang naparusahan sa ilalim ng nasabing batas na sangkot sa hoarding at profiteering.

“There should be a review on the number of individuals penalized for violating the law during emergency and ordinary times since RA 7581 was enacted in 1992 to guide the conduct of the congressional review,” ani Nograles.

Dahil dito, pinahahanda na ng Kamara sa Department of Trade and Industry (DTI) at iba pang ahensya ng gobyerno ang mga dokumento na magpapatunay na mayroong naparusahan sa nasabing batas.

Marami na umanong mga ulat ukol sa hoarding at profiteering subalit wala pang impormasyon ang Kongreso kung mayroon ng naparusahan kaya plano ng liderato ni Nograles na patapangin pa ang batas.

Partikular sa target ng panukala ni Nograles ang mga rice hoarders na nagiging dahilan ng pagtaas ng presyo ng bigas kapag nagkakaroon ng rice shortage dahil sa mga ilegal na gawain.

Maging ang mga nagaganap na cartel sa isang industriya tulad ng oil industry na inaakusahan ng mga militanteng grupo na nagkakaroon ng sabwatan ay posibleng madamay sa plano ng Kongreso.

Base sa Price Control Act, sinuman ang sangkot sa price manipulation na nagiging dahilan kung bakit tumataas ang presyo ng mga bilihin ay mapaparusahan ng lima hanggang 15 taong pagkabilanggo.

Bukod dito ang P5,000 hanggang P2 milyong multa subalit mistulang hindi sapat dahil patuloy na nakakatanggap umano ang Kongreso ng reklamo ukol sa hoarding at profiteering.

Samantala, naghain naman ng House Bill 794 si Nueva Ecija Rep. Edno Joson para bawasan ang kapangyarihan ng National Food Authority (NFA) sa pamamagitan ng pag-alis sa ahensiyang ito ng res­ponsibilidad sa pag-aangkat ng bigas.

 

Microsoft Internet Explorer 7