Isang lalaki ang nasawi habang kritikal naman ang kanyang live-in partner matapos silang pagsasaksakin sa loob ng kanilang pamamahay ng isang binatang naburyong nang hindi makapasa sa medical test para maibenta ang kanyang bato o kidney kahapon ng madaling-araw sa Rodriguez, Rizal.
Sa ulat na isinumite kay Rizal provincial director Sr. Supt. Ireneo Dordas, nakilala ang nasawi na si Elmer Antiola at ang live-in partner nitong si Elna Antiola na malubhang dinala sa Amang Rodriguez Medical Center.
 |
Kahabag-habang ang sinapit ng pamilyang ito na kabilang sa mga nasunugan sa Anakbayan Compound sa Quirino Avenue, Paco, Maynila kahapon ng hapon. (Devery Mark Alegata) |
Naaresto naman ang suspek na si Jayson Arais, 28-anyos, taga-Catarman, Samar at nakikitira sa bahay ng mga biktima sa Block 5 Lot 57 Phase 1A, Kasiglahan Village, Bgy. San Isidro, Rodriguez.
Naburyong umano ang suspek at tiniyempuhan nitong tulog si Elmer, kinuha ang kutsilyo at kinubabawan ang biktima saka pinagsasaksak. Sa gayong akto, nagising ang babaeng biktima at pinagtatadyakan nito ang suspek kaya siya naman ang pinagbalingan at pinagsasaksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Matapos ang pananaksak lumabas ng bahay ang suspek at naglakad-lakad pero makalipas ang ilang oras ay naaresto ng mga operatiba ng pulisya na sina SPO2 Albert Ayuson at PO2 Efren Gannaban.
Sa panayam ng TONITE kay Arais, nabatid na niyaya umano siya ng isang kamag-anak na magpunta ng Maynila noong Pebrero 26 para magbenta ng kidney.
“Kasi malaki raw ang bayad at ‘yun doon ako pinatira (sa bahay nina Antiola).
Dalawa po kaming magkasama na galing sa probinsiya at pareho kaming bumagsak sa mga medical test tapos kada kakain kami eh kung anu-anong masasakit ang sinasalita sa amin, binabatukan pa kami kasi malaki raw ang naging gastos na nila sa amin,” ayon kay Arais.
“`Yun pong kasama ko ang umawat sa akin, sabi ko nga eh sori pards kasi di ko na kaya ang pagsasalita nila,” ayon pa sa suspek.