Alfie Lorenzo

Billy Balbastro

Allan Diones

Abu Tilamzik

Joe Barrameda


Pralala Et Cetera

Showbiz Gallery


 

ENTERTAINMENT

AI AI , NAG-SORRY KAY JAMES


Napaluha Ai Ai de las Alas nang magtapos sa high school ng La Salle ang panganay niyang si Sancho Vito.

Doon daw sa La Salle, hindi lang pala ang mga estudyante ang binibigyan ng diploma kundi pati ang magulang.

Nang nabasa ni Ai Ai ang laman ng diploma na ibinigay sa kanya, doon siya naiyak nang husto.

Tuwang-tuwa si Ai Ai dahil nakahabol sa graduation si Miguel Vera na nagbakasyon dito galing Amerika.

Pinakiusapan ito ni Ai Ai na kung matutuloy ang bakasyon nito, itaon na sa graduation ni Sancho dahil ito ang kinikilalang ama ng bagets.

Naipakilala na ni Ai Ai si Sancho sa tunay nitong ama, pero si Miguel pa rin ang kinikilala nitong ama dahil dito siya lumaki.

Kasagsagan ng promo ngayon ni Ai Ai para sa pelikula niyang Ang Cute ng Ina Mo at hindi naiiwasang mapag-usapan si James Yap na nakasamaan niya ng loob.

Inamin ni Ai Ai na nag-sorry na lang siya kay James para na lang kay Kris.

"Para na lang kay friendship iyun. Miss na miss ko na nga si friendship, eh. Sana, okay na siya ngayon," pahayag ni Ai Ai.

Hiningan na rin namin si Ai Ai ng mensahe para kay James, sinagot na lang kami ng, "Hindi kami close, eh."

Tinanong na rin namin si Ai Ai kung ano ang pinagmitingan nila ni Ma’m Wilma Galvante nang nakita namin siya sa GMA 7 mga dalawang linggo na ang nakararaan.

"Wala iyun! Hindi ko kasi nabati si Ma’m Wilma nung birthday niya, kaya sinadya ko na siya run," sagot ni Ai Ai.

Malapit na ba siyang maging Kapuso?

"Ay, no comment muna ako riyan!" tili ng komedyana.

***

Tumugma ang hula namin kung sino ang apat na winners sa batch 4 ng Starstruck The Next Level na nag-final judgment nung Linggo sa Marikina Sports Complex.

Sina Mart Escudero at Kris Bernal ang tinanghal na Ultimate Loveteam, si Aljur Abrenica ang Ultimate Hunk at si Jewel Misch ang Ultimate Sweetheart.

May nag-text tuloy sa amin na baka may leakage na nakarating sa amin.

Sa anim na survivor, ang daling piliin para sa mga titulong ito ng Starstruck 4. Halatang-halata mo na kung sino ang malakas sa fans at sa council.

Medyo nagduda na lang kami nung bandang huli dahil ang lakas na ng dating ni Prince Stefan at nagkaroon pa ng demerits si Mart dahil kinunan nito sa cellphone ang pag-ihi ng isang staff ng Starstruck.

Maganda ang inihanda ng Starstruck 4 sa kanilang final judgment, kaya lang, hindi ito kasinlakas ng mga nakaraang Starstruck.

Nung nakaraang taon ay napuno ang Marikina Sports Complex kahit apat lang ang naglaban.

Ngayong anim ang survivors, hindi nito napuno ang venue at in-occupy na lang ang oval sa loob. Hindi halos nangalahati ang mga taong nakaupo sa bleachers.

Ilang beses pang nagpaalala ang floor director sa audience na pumalakpak nang malakas dahil hindi sila ganun kainit sa Survivor 6.

Maganda ang palabas lalo na ang opening number na sinalihan ng mga taga-Starstruck mula batch 1 hanggang 3 at avengers ng batch 4.

Hinati-hati sila base sa kanilang talent at kung anong image sila pina-package.

Sina Jennylyn Mercado at Mark Herras pa rin ang sobrang lakas ng dating. Lutang na lutang ang dalawa at sila pa rin ang tinitilian ng fans.

Malakas din ang dating ni Yasmien Kurdi dahil sa Bakekang siguro. Bigay na bigay si Yasmien sa pagkanta at pagsayaw kahit may katabaan pa rin siya.

Sa grupo ng sexy babes, angat na angat si Katrina Halili at ibang-iba na ang dating niya.

Sa hunks ay tinalbugan ni Dion Ignacio si Tyrone Perez kahit nagbida na ito sa Twilight Dancers. Ang sexy sumayaw ni Dion at tamang-tama na itong isali sa isang sexy movie.

Kahit alanganin pa rin ito sa sagot ni Dion kung handa na ba siyang magpa-sexy, tingin namin ay hinog na hinog na siya para isabak sa paseksihan.

***

Naawa kami sa karamihang Starstruck avengers ng iba’t ibang batch dahil doon lang namin sila nakita uli.

Hindi nakasagot ang ilang handlers nang biniro naming mukhang sa susunod na Starstruck na namin makikita uli itong ibang hawak nilang avengers.

Nanghihinayang kami kina Meagan Young, Arci Muñoz, LJ Reyes at Dion dahil promising sila at mukhang may ibubuga kung mabibigyan ng tamang break.

Sa avengers ng batch 4, mukhang magkakaroon ng career sina Dex Quindoza, Kiko Junio at Stef Prescot kung ma-handle nang maayos.

Bakit kaya wala si Dave Valentino sa final judgment? May tampo kaya ito sa Starstruck o tuluyang tinanggal sa talaan ng finalists dahil sa ginawa niya sa isang ka-miyembro?

Sa apat na winners, congratulations at isang malaking GOOD LUCK sa inyong career.

Halos iisa ang suggestion ng mga kaibigan naming sumusubaybay sa Starstruck. Siguro, tama na muna itong next level at wala na munang NEXT.

Magpahinga muna ang Starstruck dahil ang daming survivors at avengers ang hindi pa rin napapansin at nagkakaugat sa kuwadra ng Artists Center.

Sana, huwag na rin munang magkukuha ang Siyete ng talents ng taga-kabilang istasyon dahil marami pa sa mga taga-Starstruck ang pwede nilang mapagtuunan ng pansin at mapaganda ang career bago sila tuluyang makalimutan.

 

 

 

 

 

 

Website comments and suggestions contact:

webmaster@abante-tonite.com

publisher@abante-tonite.com

 

Copyright © 2005 

Monica Publishing Corporation

Best viewed in 1024 x 768 resolution.

All rights reserved

 

   

 

Back to top