|
Ang pitak na ito ay bukas at handang magpayo sa problemado ninyong puso. Isulat lamang at ipadala ang inyong mga liham sa Abante TONITE c/o Tita Nora, 3rd Floor, BF Condominium Bldg., Solana cor. A. Soriano Sts., Intramuros, Manila.
|
PUBLIC
SERVICE
Binatang ama Dear Tita Nora, May nakilala akong isang babae, tawagin na lang natin siyang Sunshine. Naging malapit kami sa isa’t isa. Mabilis ang naging pangyayari, ngayo’y girlfriend ko na siya. Hindi na ako nagkaroon pa ng pagkakataong sabihin ang mga nakaraan ko bago ko siya niligawan. Hindi naman siya nagtatanong. Pero ang totoo’y may naging anak na ako sa ibang babae. Nasa poder iyon ng nanay niya (ex-gf ko) at hindi na nila ako binigyan pa ng karapatan sa bata kahit na gusto kong sumuporta. Tinanggalan na nila ako ng pananagutan sa bata. Hindi na rin ako naghabol para walang gulo. Ito ngayon ang pinoproblema ko. Paano kung malaman ni Sunshine iyon. Hindi ko alam kung dapat ko bang sabihing may naging anak na ako. Pagpayuhan mo ako, Tita Nora. Mahal ko na siya at natatakot akong magkahiwalay pa kami.
Monching
Dear Monching, Naiintindihan kita, iho. Pero kung ganyang hindi ka mapakali ay huwag kang matakot na sabihin kay Sunshine ang iyong nagdaan. Hayaan mong mahalin ka niya bilang ikaw at anuman ang iyong naging karanasan. Kausapin mo siya at sabihin sa kanya ang totoo kung iyon ang makakapagpanatag sa kalooban mo. Maigi na iyong ngayon pa lang ay magpakatotoo ka na nang sa ganoon ay hindi ka na niya maaaring sumbatan pa sakaling kayo ang magkatuluyan. Kung talagang mahal ka niya’y tatanggapin niya maging sino ka pa man. Ang mahalaga’y hindi mo naman tinalikuran ang responsibilidad mo sa anak mo kundi inilayo pa nga siya sa iyo. `Wag kang mag-alala Monching. May mga babae namang di na `big deal’ pa ang nakalipas ng isang lalaki as long as mahal nila ito. Anuman ang maging desisyon niya’y igalang mo na lang at tanggapin. Ang importante’y naging tapat ka habang maaga. Good luck and God bless you.
Love, Tita Nora
|
Website comments and suggestions contact:
Copyright © 2005 Monica Publishing Corporation Best viewed in 1024 x 768 resolution. All rights reserved
|
|||
|
|