Editorial

Spy on the Job

Tapatan

Out of Order


 

OPINION

Tatlo lang!


Sa labing-dalawang (12) senatorial candidates ng Team Unity, dalawa (2) hanggang tatlo (3) lamang ang nakikita ni opposition reelectionist Senator Panfilo "Ping" Lacson na makakalusot ngayong May 14 election. Ibig sabihin, kahit anong pagba-balentong sa entablado ang gawin ng siyam (9) pang kandidato ni Gloria, ito’y malabong manalo kaya’t habang maaga, aba’y dapat tigilan ang pangangampanya sa ibat’ ibang probinsiya dahil pag-aaksaya lamang ng oras at makinarya ito, mabuti sana kung sariling pera ang ginagasta.

Sa prediksyon ni Lacson, tanging sina Senador Ralph Recto at dating Senador Vicente "Tito" Sotto III ang 100% lulusot sa senatorial race, pangatlo si Senador Joker Arroyo kung magtuluy-tuloy ang magandang political advertisement at hindi magbabago ang ihip ng hangin. Take note: kapwa miyembro ng Wednesday Group sina Joker at Ralph - kasama ni Senate President Manuel Villar Jr., nakipaglaban upang huwag malusaw ang Upper House.

***

Anuman ang intrigang ipinupukol kay Tito, hawak pa rin ng senador ang kasikatan, hindi lamang bilang mambabatas kundi host ng Eat Bulaga kaya’t sayang lamang ang pagod ni Rez Cortez, ngayon pang kumpleto ang "TVJ", as in lantaran ang endorsement nina Vic Sotto at Joey De Leon sa kandidatura nito. Kung mismong higanteng television station - ang ABS-CBN Channel 2, makailang-beses nagre-programing hanggang nauwi sa stampede, mapataob lamang ang No. 1 noontime show, iyon pa kayang isipan ng mga botante?

Kung itatanong n’yo si Senador Edgardo "Edong" Angara - ang kaibigang matalik ng misis ni murder suspect Antonio Leviste na si dating Senadora Loren Legarda-Leviste, aba’y hintayin natin ang ‘final tally’ ng Commission on Elections (Comelec), eh baka maging "Bituing Walang Ningning" ang endorsement ni Dorina. Kawawang Sarah Geronimo, aba’y nagpagamit sa may-ari ng Viva na kaalyado ni Gloria. Kapag natalo si Angara, hindi naman imahe ng pamilya ni presidential adviser Vic Del Rosario ang masisira kundi pangalan ng bata!

***

Pagbatayan ang huling performance survey ng Social Weather Station (SWS), namayagpag ang leadership ni Villar - ito’y pinakamataas sa kasaysayan kumpara sa nagdaang Senate Presidency, kahit si Big Brother Frank Drilon, hindi nakakuha ng positive 56% sa mahabang panahon ng pananatili sa koral. Sabagay, ikaw ba naman ang magkaroon ng "Boy Dentist" na tauhan, siguradong "Babuyan Islands" ang kababagsakan ng Upper House.

Kung tatlo (3) lamang ang mananalo sa kampo ni Mrs. Arroyo, nangangahulugang dalawa (2) sa labing-isang kandidato ng Genuine Opposition (GO) ang delikado, Nikki Coseteng isa ka ba doon? Teka lang, paano ang sangkaterbang pangarap ni Mr. Dream Boy, as in Cong. Prospero Pichay, mananatili na lang bang pangarap ang manalo habambuhay ito? Iyan ang kailangang sagutin ni Mr. R.L, alyas Limahong from ‘Chinatown Department of Defense’!

***

Napag-usapan si Drilon, bakit hindi tanungin ni Mr. Instant Ayos, as in outgoing Manila Mayor Joselito Atienza Jr., kung kanino naglilingkod ang ilang Senate staff na naka-detail sa opisina ng kanyang mortal enemy, hindi ba’t pinagpartehan ng mga kasamahan sa Liberal Party (LP) - sina Genuine Opposition senatorial candidate Benigno "Noynoy" Aquino III at Mr. Noted, a.k.a Prancaceus Francis Pangilinan? Ang tanong: sinong nagbabayad ng kanilang suweldo, hindi ba’t taumbayan? Huwag nating pag-usapan iyong ‘sahod’ kasi malakihan ang usapan diyan!

Sa kaso ni Noynoy, lumalabas pang ‘ni-raid’ ng grupo ni Drilon mula sa Upper House ang media bureau ng kongresista via Public Relation Information Bureau (PRIB) director Samuel Santos. Ni sa panaginip, ayokong isiping tumatanggap ng ‘double compensation’ ang mga tauhan ni Big Brother lalo pa’t libre at boluntaryo ang pagtulong sa kongresista ng mga kaibigang mediamen mula sa Lower House pero ngayon, nawalan pa ng papel nang pumasok ang mga bataan ni Kuya Frank. Talagang ganyan ang buhay, merong naba-backs out. ‘Di ba Bitoy?

***

Napapakinggan ang inyong lingkod sa programang Argumento ni Ely Saludar kaya’t ugaliing abangan ‘ang numero unong alaskador ng bayan at nag-iisang Spy’ sa dzXL radio, RMN-Manila, tuwing 7:30 hanggang 8:30 ng umaga.

 

 

 

 

 

 

Website comments and suggestions contact:

webmaster@abante-tonite.com

publisher@abante-tonite.com

 

Copyright © 2005 

Monica Publishing Corporation

Best viewed in 1024 x 768 resolution.

All rights reserved

 

   

 

Back to top