Editorial

Spy on the Job

Tapatan

Out of Order


 

OPINION

Militarisasyon sa kalunsuran


May katwirang maalarma ang mga residente ng Metro Manila hinggil sa nagaganap na militarisasyon sa ilang lugar sa National Capital Region (NCR) partikular sa mga barangay na malaki ang konsentrasyon ng urban poor.

Mismong ang liderato ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang nagkumpirma sa deployment ng mga sundalo sa ilang bahagi ng NCR bilang "preemptive move" umano sa balitang pag-reactivate ng mga yunit ng armed city partisan (ACP) ng Communist Party of the Philippines (CPP) at New People’s Army (NPA) .

Ang mga ACP o "sparrow unit" ang liquidation squad ng CPP-NPA na naging kilabot ng mga abusadong pulis at sundalo sa Metro Manila partikular noong huling bahagi ng dekada `80 kung saan si US Army Lt. Col. James Rowe ang isa sa pinaka-high profile na naging biktima nito.

Pero halatang propaganda spin lang ang sinasabi ng AFP na pagbabalik ng mga ACP sa Metro Manila dahil kung totoo ito ay mga undercover intelligence operatives ang kanilang ipapakalat para matimbog ang mga armadong partisano.

Mahirap din kasing paniwalaan ang sinasabi ng AFP na civic action ang pakay ng may 300 unipormado at armadong sundalo sa mga mahihirap na barangay sa NCR dahil ngayon lang nangyaring sa Metro Manila at hindi sa mga liblib na lugar sa kanayunan nagsasagawa ng serbisyo publiko ang mga sundalo.

Sa totoo lang, maging noong panahon ng batas militar ni Marcos ay walang civic action na ginagawa ang AFP sa Metro Manila at kung sakali mang may malaking build-up man ng sundalo ay konsentrado lang ito sa paligid ng Malacañang lalo na kapag may mga malaking kilos-protesta.

Maging noong panahon ni dating Pangulong Corazon Aquino ay walang militarisasyon sa mga squatters’ area at mahihirap na barangay at sa halip ay mga lokal na pulis ang gumagalaw lalo na kapag may ulat na may presensya ng mga armadong partisano sa mga barangay.

Maski nga noong kainitan ng mga tangkang kudeta kay Gng. Aquino ay naka-konsentra lang ang mga sundalo sa paligid ng mga kampo at government installations na kanilang binabantayan laban sa mga rebeldeng military.

Noong panahon naman ni dating Pangulong Joseph Estrada, ang mga nakaunipormeng sundalo ng Philippine Marines ay ikinalat sa mga shopping malls kasama ang mga miyembro ng Philippine National Police bilang bahagi ng crime prevention campaign ng Erap administration.

Ngayon lang nangyari sa ilalim ng administrasyon ni Gng. Gloria Macapagal-Arroyo na may militarisasyon pati sa Metro Manila at mismong mga obispo ng Simbahang Katoliko ang nagbunyag nito sa media.

Kunsabagay, hindi na rin ito nakakapagtaka dahil sa bilang na lang ng mga extra-judicial killings ng mga militante ay topnotcher na ang gobyernong Arroyo na anim na taon pa lang sa kapangyarihan kumpara sa rehimeng Marcos kung saan dumanas ang taumbayan ng 14 na taon ng batas militar.

Kung mayroong natitirang rekord ang rehimeng Marcos ay sa padamihan ng political detainees dahil mayorya ng mga nahuling lider-komunista noon kabilang sina CPP founder Jose Maria Sison at dating NPA supremo na si Kumander Dante ay nakulong ng matagal na panahon at nakalaya na lamang pagkatapos ng 1986 Edsa people Power Uprising.

Sa ilalim ng administrasyong Arroyo ay wala nang political detainees dahil hindi na sila hinuhuli ng militar at sa halip ay pinapatay na lang sila sa kalsada ng mga death squads na hanggang ngayon ay hindi pa nakikilala at nahuhuli ng PNP.

At ‘yan ang mas nakakatakot na uri ng militarisasyon dahil parang si "Kamatayan" kumilos ang mga death squads na kahit sino na lang basta miyembro ng militanteng grupo ay kanilang kukuhanin.

 

 

 

 

 

 

 

Website comments and suggestions contact:

webmaster@abante-tonite.com

publisher@abante-tonite.com

 

Copyright © 2005 

Monica Publishing Corporation

Best viewed in 1024 x 768 resolution.

All rights reserved

 

   

 

Back to top