|
|
EDITORIAL
Ipatas ang laban Lumawak na ang saklaw ng lifestyle check na nag-ugat dahil sa lumalalang korapsyon sa ating lipunan. Mula sa mga empleyado ng gobyerno at presidential appointees damay na rin ang lahat ng hukom sa bansa sa panukalang lifestyle check. Ang hakbang na ito ay bilang tugon ng pamahalaan sa kaliwa’t kanang problema sa korapsyon ng bansa. Bagama’t hindi isandaang porsyentong naging matagumpay ang ipinatupad na lifestyle check sa hanay ng mga empleyado ng gobyerno at maging ng mga presidential appointees, maituturing pa rin itong malaking tulong sa pamahalaan sa paglipol ng mga tiwali. May mangilan-ngilan na ring nakalaboso habang ang iba ay nasuspinde at nasibak sa posisyon dahil napatunayang may kuwestiyonableng yaman. Ngayong sakop na ng panukala ang mga hukom, maraming pagdududa at kuwestiyon ang posibleng lumutang. Una rito ay kung sino ang magpapatupad sa lifestyle check sa kanilang hanay. Maaari kasing maging panibagong isyu ay ang integridad at kredibilidad ng hahawak sa kaso ng kanilang mga kabaro. Hindi naman natin puwedeng irekomendang mag-hands-off ang Supreme Court Administrator sa isyung ito dahil sila at wala nang iba pa ang may kakayahang humawak ng ganitong mga kaso kaya’t sana ay maging patas sila sa pag-iimbestiga upang makamit ng pamahalaan ang adhikaing linisin ang lahat ng sangay ng pamahalaan sa katiwalian. |
Website comments and suggestions contact:
Copyright © 2005 Monica Publishing Corporation Best viewed in 1024 x 768 resolution. All rights reserved
|
|||
|
|