MARCH 20, 2008
NEWS ADVERTISE About the company Contact Info ARCHIVES
SEARCH Abante-Tonite
Abante Online
HEADLINES
 
Babala ng world expert GOBYERNO BABAGSAK SA RICE PRICE HIKE
AFP With Rey Marfil/Bernard Taguinod
 

Ibinabala ng isa sa mga pangunahing rice experts sa buong mundo na maaa­ring sumiklab ang kaguluhan sa mga mahihirap na bansa kapag nagpatuloy ang pagtaas ng presyo ng bigas kung saan posibleng maging mitsa ito ng pagbagsak ng pamahalaan sakaling mag-riot ang nagugutom na mga tao.

“When the price of rice rises, governments fall,” pahayag ni Robert Zeigler, pinuno ng International Rice Research Institute (IRRI).

Ang IRRI ay matatagpuan sa Los Baños, Laguna at kinikilala bilang isa sa mga premier centers para sa rice research sa buong mundo.

“If people don’t have enough to eat and they don’t have enough money to buy enough to eat, that translates frequently into social unrest,” ayon kay Zeigler sa panayam ng AFP.

Tinukoy ni Zeigler ang mga nangyari sa mga pamahalaan sa rehiyon ng Asya nitong mga nakaraang dekada na aniya’y may kaugnayan sa kakulangan sa pagkain.

Nang itatag ang IRRI noong 1960, nag-deve­lop ito ng high-yielding, short-stemmed rice varie­ties na nagpasimula ng tinawag na Green Revolution. Nagdulot ito ng kabawasan sa presyo ng mga pagkain at daan-daang mil­yong mga Asians na kumakain ng bigas ang naiahon mula sa kahirapan.

Subalit nagbago umano ang mga pangyayari. “The world took abundant food for granted and ignored this whole set of factors that were coming into play,” ani Zeigler.

CORRUPTION, SMUGGLING UGAT NG KRISIS

Sa harap ng pinanga­ngambahang rice crisis, direktang itinuro ni Sen. Panfilo “Ping” Lacson ang walang katapusang graft and corruption sa gobyerno ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.

Ayon kay Lacson, nagbunyag sa maraming katiwalian ni Mrs. Arroyo, kung nagagamit lamang sa tamang paraan ang salapi ng gobyerno, hindi daranasin ng Pilipinas ang rice crisis kung saan napupunta lamang sa bulsa ang pondong kakailanganin sa patubig at sakahan.

Tinitingala sa Asya ang Pilipinas sa mahabang panahon at sentro ng agrikultura kung kaya’t nakakalungkot aniyang isipin na nakaumang ang krisis sa bigas.
Maliban sa corruption, itinuro ni Lacson ang mala­wakang rice smuggling sa iba’t ibang daungan na lalo pang nagpapahirap sa mga magsasaka at nagpapataas sa presyo ng bigas habang buhay-hari at reyna ang mga kampon ni Mrs. Arroyo sa Malacañang.

Isa pang ugat ng rice crisis sa bansa, ayon kay Lacson ang kawalan ng programa ni Mrs. Arroyo sa irigasyon at nauwi lamang sa ghost project, katulad ng ibinunyag noong 2007 mid-term election kung saan ipi­namudmod ng Malacañang sa mga local officials na kakampi ng administrasyon kahit walang proyekto, kapalit ang suporta sa mga kandidato nito.

Aniya, walang inatupag ang mga kampon ni Mrs. Arroyo kundi pagtak­pan ang pinangangamba­hang krisis sa bigas, sa pa­mamagitan ng pagsisinu­ngaling at pagtangging ki­­na­kapos sa supply ang sektor ng agrikultura.

WORLDWIDE CRISIS

Ito naman ang ibinabala ni Parañaque Rep. Roilo Golez kung saan hindi lamang ang Pilipinas ang makakaranas ng krisis sa bigas at iba pang produktong agrikultura kundi ang buong mundo dahil natukso ang iba’t ibang bansa sa malaking kita sa biofuel.

Sa panayam ng TONITE kay Golez kahapon, sinabi nito na mas magiging malala pa ang krisis sa pagkain sa hinaharap kapag nagtuluy-tuloy ang iba’t ibang bansa tulad ng Pilipinas sa pagtatanim ng mga produktong gagamitin sa biofuel.

Sinabi ni Golez na personal niyang ipinarating sa Legislative Executive Development Advisory Council (LEDAC) ang babalang ito subalit itinuloy pa rin aniya ng Pilipinas ang pagpapatibay ng batas sa biofuel.

 

Microsoft Internet Explorer 7