Balik-pedestal ang Far Eastern University bilang pinakamaastig na koponan sa 70th University Athletic Association of the Philippines women’s volleyball matapos ang anim na taon.
Humabol ang Lady Tamaraws sa huling dalawang set upang paluhurin ang Adamson University, 14-25, 25-19, 23-25, 25-21, 15-9, sa deciding Game 3 kahapon sa mataong The Arena sa San Juan City.
Kinopo ng FEU ang best-of-three finals series via 2-1, upang mahablot ang unang titulo magbuhat pa noong 2002 at ang ika-29 na league championship sa pangkalahatan.
Sinawata ang pagtatangka ng Lady Falcons na madagit ang mailap na unang kampeonato, nairesbak din ng Lady Tams ang apat na pagkatalo sa season sa pagsuwag sa huling dalawang panalo sa serye.
“Sinabi ko sa mga bata, hindi baleng natalo tayo ng apat na sunod ng Adamson, basta nakuha natin ‘yung dalawang importanteng panalo, tayo pa rin ang magtsa-champion. Talagang dinaan namin sa tiyaga,” bulalas ni FEU coach Ernesto Pamilar.
“Matapos ang third set, sinabi ko sa mga bata, huwag tayong pa-easy-easy. And natuwa ako at gumana ang blocking namin at pinigil namin ‘yung mga drop shot nila,” aniya pa.
Isang service error ni Lady Falcons reserve Jennifer Hiponia, na humalili sa matamlay na si Michelle Segodine sa deciding fifth frame, ang huling susi upang magselebra sa gallery ang Lady Tamaraws.
Namayagpag si Anna Abanto na may 16 kills para sa Morayta-based volleybelles habang umayuda sina Maica Morada at Rachel Daquis na may 15 at 14 hits, ayon sa pagkakabanggit.
Pero ang umeksena sa L’Tamaraws matapos malugmok sa third set ay si setter Wendy Semana, na ginawaran ng Most Valuable Player sa torneo.
Nag-ambag si Semana na may 11 hits, ngunit niladlad niyang leadership sa krusyal na mga saglit na siyang sinangkalan ng FEU upang mapugutan ang Adamson.
“Hindi ko expected na manalo ako ng MVP, basta mag-champion kami masaya na ako, bonus na lang itong award ko. Masaya akong aalis sa FEU na champion,” kwento ni Semana, na nasa huling taon na niya sa tropa.
Nawalang saysay ang 23 points ni Sang Laguilles at ang idinagdag na 18 hits ni Angela Benting sa panig ng L’Falcons.
Hilo si Segodine sa pangalawang digmaan sa tipa lamang na siyam na kills dahil sa matinding depensa na ikinulapol ng Lady Tamaraws.
Nabatak ng FEU ang salpukan sa deciding fifth set nang bumira ng isang block at kill si Daquis.
Sa third set, nakahabol ang Lady Tamaraws sa 4-9 pagkakalugmok sa pamamagitan ng puwersa nina Semana at Abanto para hablutin ang 19-14 abante.
|