Dinomina ng limang kasalukuyang pambansang atleta ang sinabakan ng 1,800 mananakbo na Condura Race For Tubbataha 2008 paalis at pabalik sa NBC Tent Open Grounds ng Bonifacio Global sa Taguig City kahapon ng umaga.
Inangkin ni Rene Herrera, 28, tubong Jordan, Guimaras at gold medalist sa 2007 Southeast Asian Games steeplechase noong Disyembre sa Thailand, ang tampok na 10-kilometer Open men’s division title sa t’yempong 31 minuto at tatlong segundo matapos humarurot sa pinaleng isang kilometro laban sa sumegunda’t tumersera na sina Juniel Languido ng Davao City at Cresenciano Sabal ng Bagumbayan, Sultan Kudarat na may identical time na 31:10.
Sa distaff side, isang all-the-way victory ang inilista ni Mercedita Manipol-Fetalvero, 27, isinilang sa Sibuyan, Romblon at kumopo ng tanso sa 10,000-meter run ng Thailand 24th SEA Games din (34:45) laban sa bumuntot sa kanyang sina Marecil Maquilan (38:30) at Ailene Tolentino (39:26).
Banderang tapos ang ikinamada ni former national athlete Bernardo Desamito Jr., 33, sa 5k Open men’s sa 15:32 clocking laban kina Christopher Ulboc (15:38) at M2 Global Runners/Philippine Army/Mizuno bet Jujet de Asis (15:49). Gayundin si Bernardito Mag-aso sa women’s event sa 17:54 kontra kina Nhe Ann Barcena (18:21) at Fregelyn Yambao (19:45).
Sa last 1k din nadale ni Ben Alejandrino titulo sa mga lalaki sa 3k (8:38) sa harapan ng mga kumasang sina Gerald Sabal (8:39) at Abraham Barcarse (8:43). Walang nakasalubong na challenge naman si Emma Mangago sa panalo sa 3k women’s (10:19). Kasunod niya sina Liza Yambao (11:04) at Corazon Salcedo (11:34).
Binalangkas ang matagumpay na magiging taunan nang 3-in-1 footrace ng Concepcion Durables, Incorporated at ng Run And Compete Events kung saan may P102,000 cash prizes ang ipinamigay sa top three winners sa male and female na mga nabanggit nina Concepcion Industries vice president Patrick Concepcion, CDI prexy/chief operating officer Ton Concepcion, CDI vice chair Reena Angeles, race organizer Rudy Biscocho at Thelma Biscocho ng RACE. |