Dear Tita Nora,
May kasintahan ako pero ibang babae ang mahal ko.
Sinagot ako ni Alice noong August 14. Naging nobya ko siya kahit hindi ko naman siya direktang niligawan. Nadala lang kami noon sa tuksuhan.
Lumalabas kami at madalas magkasama pero wala akong maramdaman sa kanya. Meron man akong gusto ay hindi ko siya ganu’n kamahal.
Pero nang makilala ko si Badette, iba talaga ang naramdaman ko. Gusto ko siyang laging makita at makasama. Malakas po ang kutob kong may gusto rin siya sa akin pero paano si Alice? Ano ang gagawin ko sa kanya? Dapat ba akong makipag-break?
Boy
Dear Boy,
Aba dapat lang, iho. Tama lang na kalasan mo na’t tapatin ang girlfriend mo kesa sa patuloy siyang ‘umasa sa wala’ sa iyo.
Dapat nga’y noon mo pa iyan ginawa. Noon pa ma’y naging fair ka na sana kay Alice. Sa ginawa mong iyan kasi ay malinaw na pinaasa, pinaniwala at ginamit mo lang siya.
Hindi sana nasayang ang pagmamahal at oras na inilaan niya sa iyo. Sana’y nakapaghanap na rin siya’t nakapagsimula sa sinumang kayang tumbasan ang pagmamahal niya.
Mahirap mang gawin ay kausapin mo siya nang masinsinan. Masakit man para sa kanya ang paghihiwalay ninyo, na sa iyo pa mismo magmumula, kung iyon ang kailangan at nararapat mong gawin ay umpisahan mo na.
Kung saan at kanino ka masaya ay doon ka. Next time lang sana iho ay maging honest ka sa ibang tao lalo na sa sarili mo. Kung wala ka rin lang pagtingin ay huwag mo nang dayain ang damdamin ng iba at ang sarili mo.
Pero bago ka sana magdesisyon o gumawa ng anupamang hakbang ay pakasiguruhin mong wala kang pagsisisihan at panghihinayangan.
Good luck and God bless you.
Love,
Tita Nora