Subukan ko nga ang style “chopsuey” na kolum.Kung tototohanin ng United Opposition na kasuhan ang PNP dahil sa umano’y panghaharang nito ng mga bus ng raliyista na gustong pumunta sa Makati nu’ng Biyernes, maniwala kayong daan-daan ang handang tumestigo. At sila’y hindi lang ‘yong mga sakay ng bus, kundi pati na rin ‘yong mga naninirahan sa lugar kung saan sila pinigil at pinapara na lang. May kasamahan kami sa Senate media na inabot ng mahigit 2 oras bago pinalusot sa tollgate ng Coastal Road, dahil may nakahambalang na malaking bus sa gitna mismo ng Aguinaldo Avenue. Sabi ng pulis... “Sira po ang bus na ‘yan..” Hinihintay raw niyang humaba ang ilong nu’ng pulis.
-- Alin kaya ang mauunang mananaog, ang desisyon ng Supreme Court tungkol sa EO 464 at executive privilege, na inaasahang bukas.. o ang rekomendasyon ng mga abogado ng Malacañang na ibasura na ang EO 464, ayon sa panawagan ng mga Obispo? Palagay ko’y ang nininerbiyos sa alin mang desisyon ay si Romulo Neri.
Mapipilitan na siyang tanggapin ang “imbestigasyon” ng Senado tungkol sa ZTE-Broadband. Hindi ba maganda ‘yong magkaharap na sila ng kanyang “kaibigang” Jun Lozada? Maganda ring abangan kung sino sa kanila ang hahaba ang ilong.
-- Walang duda na si Rodolfo “Jun” Lozada ang pinaka-in demand na speaker ngayon, lalo na sa mga eskuwelahan at rally ng mga anti-GMA. Kita n’yo namang siya ang no. 1 speaker du’n sa Interfaith rally sa Makati. Tanong tuloy ng mga pilyo.. May kakandidato kayang Jun Lozada sa 2010? Hindi ko nga maiwasang “maawa” kay Dante Madriaga, na tila hindi nakakatikim ng atensyon at tulong na tinatamasa ngayon ni Lozada. Sa totoo, mas matitindi ang mga akusasyon ni Dante, kumpara sa mga binitiwan ni Jun. Kaya lang, maski nagkakaugma sa ilang punto ang testimonya nilang dalawa, ang problema ni Madriaga ay tanging ang kanyang boss, si Leo San Miguel at mga taga-ZTE, ang puwedeng magpatunay ng kanyang alegasyon. At sa ngayon, suntok sa buwan ito.
-- At bilang pangwakas sa “chopsuey” na ito... nakakatawa ‘yong nangangantiyaw na “hindi naman pala kalakihan ‘yong crowd na dumalo sa Makati..” Nakakaiyak naman kung nakita n’yo ‘yong pro-GMA na nagkampo ru’n sa Welcome Rotonda.
***
Bilang pakitang-tao na hindi nababahala si GMA nu’ng nakaraang linggo, “business as usual” siya sa paglilibot sa mga karatig-pook at namimigay ng biyaya sa mahihirap. Walang masama roon, basta mahihirap ang nakikinabang. Kaya lang, hindi kaya dapat sa Bicol at Eastern Visayas ang pinagtuunan niya ng panahon at tulong? Aabot na yata sa 50 ang namamatay at patuloy na naghihirap ang mga tao roon, dahil sa walang humpay na ulan at baha. Bale ba, panay malapit na kaalyado naman niya ang mga gobernador doon, tulad ni L. Ray Villafuerte ng Cam. Sur, Joey Salceda ng Albay, at Ben Evardonne ng Eastern Samar. Kung talaga hindi naiistorbo si GMA ng “political noise” sana’y dalawin naman niya ang mga kababayan natin doon.
Isa pang natabunan ng atensyon sa “political noise” na ito, ay ang bumulaga sa atin Sabado nang umaga.. ang pagtaas ng presyo ng langis. Umabot na sa bagong record ang presyo ng langis sa world market.. $103 kada bariles. At kung paniniwalaan ‘yong mga analyst na naririnig ko sa CNN at BBC, malamang daw na umabot pa ng $105. Hindi kaya panahon pa para mag-ingay muli ang Senado tungkol sa panukalang pagsuspinde ng EVAT sa langis?
|