MARCH 03, 2008
NEWS ADVERTISE About the company Contact Info ARCHIVES
SEARCH Abante-Tonite
Abante Online
EDITORIAL & OPINION
 
Anay
Sanggang Diin ni: Anthony Taberna


Nakakapanindig balahibo ang mga eksena sa inter-faith rally noong Biyernes sa puso ng commercial at business district sa Makati City.
Saksi ako sa pagkakapit-bisig at pagmamartsa nina dating pangulong Joseph Estrada, Mayor Jejomar Binay at sangrekwang tagasuporta nila sa Ayala Avenue mula sa kanto ng Amorsolo hanggang Paseo de Roxas.
Ramdam na ramdam ko kung gaano pa rin kabango si Erap sa publiko lalo na sa masa na ngayo’y nasusuka sa sobrang baho at alingasaw ng administrasyon ni Pangulong Gloria.
Mula sa likod ng entablado tanaw ko kung ano ang reaksyon ng publiko sa eksena ng magkatabing Pangulong Erap at Pangulong Cory at mga lider ng simbahan at civil society na sumugod sa rally.
Magkakaibang relihiyon, magkakalabang interes, dating magkaaway, magkakaibang estado sa buhay at magkakaibang edad ay pinagbuklod ng iisang adhikain upang katiwalian ay labanan at ilabas ang katotohanan!
***
Dalawang bahagi ang rally -- una ay para sa panawagan at dasal ng mga alagad ng iba’t ibang simbahan. Pangalawa ay ang talumpati ng mga kilalang personalidad at programang musikal na pawang patutsada sa Pangulong Arroyo.
Nang matapos ang mga Obispo nagsibabaan na sila mula sa entablado at saka pumwesto si Mayor Jojo Rambotito.
Kanyang inanunsyo ang presensya nina Pangulong Aquino at Estrada. Ang orihinal na usapan ay kakaway lang sila ngunit nakiusap si mayor na magsalita sila kahit tig-isang minuto sa nag-iintay na tao.
Dumadagundong ang hiyawan ng magsalita ng maiksi ang dalawang dating pangulo patunay lamang na kinalimutan ng mga raliyista kung ano ang kulay nina Pangulong Cory at Erap basta’t magkasama sila sa hangaring palayasin si Pangulong Gloria.
Sa pagsasalita ni Erap na may kasama pang joke, sukat ba namang gumawa ng eksena si pastor Boy Saycon ng Council on Philippine Affairs (COPA) at nagwalk-out sa kalsada. Hindi raw kasi matanggap ng naglilinis-linisang si Saycon kung bakit pinagsalita si Erap sa naturang okasyon.
Hindi ko maintindihan kung bakit kailangan pang magpapansin ni Saycon kung talagang ang pakay n’ya sa pagsali sa pagtitipon ay labanan ang korapsyon.
Ang pagmamaktol n’ya ay ginagamit pa ngayon ng mga propagandista ng palasyo upang siraan ang pagsasama- sama ng walampung libong Pilipino na sawang-sawa na sa administrasyong Gloria.
Para tuloy siyang isang anay na sumisira sa matibay na poste at pundasyon na itinayo para maisalba ang nasyon. Kung sa bagay, minsan na ring nabansagan si Saycon bilang anay ng lipunan.
Ipokrito!
***
Isang dating alalay ni Pangulong Gloria Arroyo ang mistulang TNT (tago ng tago) ngayon dahil sya’y pinag-aagawan ng kampo ng oposisyon at administrasyon sa isyu ng ZTE-NBN scandal.
Dahil sa kanyang nalalaman, plano siyang ipatawag ng Senate Blue Ribbon Committee at pakantahin ng tonong sintonado sa pandinig ng palasyo.
Tulad ni Jun Lozada noong una, takot ding humarap sa Senado si Mr. Potential Witness dahil hindi n’ya kayang magsinungaling at siguradong madidiin nang husto ang mahal na Pangulo.
Sa pinakahuling kwento, siya ay hinahanap na rin umano ni Datu Arroyo upang mazipperan na rin kaya ang bibig nito?
Nagpalit na ng kanyang number ang naturang dating opisyal ngunit walang plano ang palasyo at Senado na siya ay lubayan. Hindi kita tatantanan!!!
***
Paging Senador Alan Peter Cayetano. May bago akong lead na pwede ninyong sundan sa imbestigasyon sa maanomalyang kontrata sa broadband.
Pakibusisi ninyo ang biyahe ng bagong NTC Commissioner at sikat na si Ruben Reyes papuntang Dubai noong January 23, 2008.
Dagdag na clue: Banahaw Travel Agency, nasa Dubai din noon si Pangulong Glory. Kung posible, paki-check din ang CCTV ng 7 star hotel na tinulugan ni GMA sa UAE dahil baka nahagip nito si Reyes.
Sa mga makakalimutin, si Reyes ang tinukoy sa Senate hearing na diumano’y bagman ni dating Comelec Chairman Ben Abalos sa ZTE-NBN transaction. Nabanggit din ang pangalan niya sa Hello Garci tape.
By the way, totoo po bang ang maunlad na Dubai ay paborito na ring pagtaguan ng limpak-limpak na salapi ng mga big time sa gobyerno? Parang Cayman Islands.
Bahala na kayo diyan sa info ko.

 

Microsoft Internet Explorer 7