MARCH 03, 2008
NEWS ADVERTISE About the company Contact Info ARCHIVES
SEARCH Abante-Tonite
Abante Online
EDITORIAL & OPINION
 
‘Critical mass’
Ping and Order ni: Ping Lacson


Isa tayo sa libu-libong mga Pilipino na lumahok sa inter-faith rally sa Ayala, Makati City noong nakaraang Biyernes at masasabi nating habang tumatagal ay dumarami ang mga sektor na sumusuporta kay ZTE-NBN star witness Rodolfo “Jun” Lozada.
Nakita mismo ng aking mga mata kung gaano na karami ang mga kababayan natin sa Metro Manila ang naniniwala sa katotohanan at nananawagan kay Gng. Gloria Macapagal-Arroyo na magbitiw na sa puwesto.
Ang panawagang “GMA, Resign” ay nakaangkla sa kawalan ng mapagpasayang aksyon sa bahagi ng pangulo na alamin at mapaimbestigahan ang mga taong sangkot sa maanomalyang ZTE-Broadband deal.
Kung nagsasabi ng totoo si GMA nang siya’y kapanayamin ni Joe Taruc sa DZRH, dapat sana ay may mga nasampahan na ng kasong kriminal sa Ombudsman batay na rin sa sumbong ni dating NEDA director-general Romulo Neri na siya’y tinangkang suhulan ng P200 million ni dating Comelec Commissioner Benjamin Abalos.
Nakakapagtaka na ni hindi nagalit si GMA sa ginawang panunuhol ni Abalos kay Neri dahil walang anumang imbestigasyon ang ipinag-utos ng pangulo batay sa naging sumbong ni Neri.
Sa halip, ang tanging naging sagot ni GMA kay Neri ay huwag tanggapin ang suhol pero pirmahan niya pa rin ang endorsement ng NEDA sa ZTE-Broadband deal.
Parang anti-climactic nga ang naging pahayag ni GMA sa DZRH na alam niyang may depekto ang ZTE-Broadband deal dahil alam na ng taumbayan na may overpricing ng US130 million sa naturang kontrata ayon na rin sa testimonya sa Senado nina Jose “Joey” de Venecia III, Romy Neri, Jun Lozada at pinakahuli nga ay si ZTE consultant Dante Madriaga.
Lalo pa kamong lumabas na sinungaling si GMA nang bawiin ng Palasyo ang kanyang pahayag na depektibo ang ZTE contract at ito ay dahil mapapasama ang mga cabinet officials na pumirma sa kontrata kabilang na si DOTC Secretary Leandro Mendoza at Finance Secretary Peter Favila.
Pero sa ginawang denial ni GMA ay lalong nakikita ng mamamayan na may malaking cover-up na nagaganap ngayon sa ZTE-NBN deal at kabilang nga rito ang patuloy na demolition job at black propaganda ng Malacañang laban kay Jun Lozada.
Hindi naman tanga at bobo ang malaking bilang ng mga Pilipino kung kaya alam nila na si Lozada ang nagsasabi ng katotohanan at ang kampo ni GMA ang nasa panig ng kasinungalingan.
Ito ang dahilan kung bakit nagkakaroon ng “snowball effect” ang mga kilos-protesta kung saan pinakamalaki ang inter-faith rally noong Biyernes na tinatayang umabot sa 80,000.
Malaking bilang ng mga raliyista ay mga estudyante na nagmula sa malalaking unibersidad ng Ateneo, La Salle System, University of Santo Tomas, University of the Philippines at iba pang mga kolehiyo na pumosisyon na laban sa administrasyong Arroyo.
Gusto kong isipin na ang pagiging anti-GMA ng maraming mga Katolikong unibersidad ay dahil na rin sa impluwensya ng kanilang mga pari at madre na dumarami rin ang bilang sa mga kilos-protesta.
Malakas ang paniwala ko na kung lalong lalaki ang mga kilos-protesta laban kay GMA ay hindi imposibleng marating ang sinasabing “critical mass” na siyang magdedetermina kung hanggang kailan na lang ang itatagal ng Arroyo administration.

 

Microsoft Internet Explorer 7