Nagbabala ang Philippine Embassy sa Saudi Arabia sa mga OFW doon na huwag magbigay ng tulong sa mga kapwa-OFW na naglayas sa kanilang mga employer. Ito’y dahil mahigpit raw na ipinagbabawal ng batas sa Saudi Arabia ang pagtulong sa mga absconding workers.
Ang ganyang kaalaman ay dapat maging bahagi ng pre-departure orientation seminar ng mga OFW na patungong Saudi Arabia, bagama’t hindi maasahang mako-cover ng PDOS ang lahat ng mga usapin.
Tama rin lang na ipaalam ng ating embahada sa Saudi sa mga OFW doon ang maaaring kaharapin nilang kaso kaugnay ng pagbibigay-tulong sa kanilang mga kababayan na lumayas sa kanilang mga employer.
Gayunman, may mas malalim na isyu sa likod ng usapin na iyan. Ang tinutukoy natin ay ang matagal nang reklamo sa atin ng mga OFW na salat na salat ang tulong na tinatanggap ng mga distressed OFW mula sa ating mga embahada.
May rason
Kung naglalayas man ang maraming OFW sa kanilang mga employer, karaniwan ay dahil may mabigat na kadahilanan tulad ng violation sa kontrata o pagmamalabis ng employer. Kahit sino naman siguro ay lalayas kung ikaw ay nire-rape, hindi pinapakain o trinatratong parang hayop ng iyong employer.
Ang isyu riyan ay hindi hihingi ng tulong ang mga distressed OFW mula sa mga kapwa-OFW kung sapat ang suportang tinatanggap nila mula sa ating mga konsulada at embahada. Pero kulang na kulang nga po ang suporta ng ating pamahalaan sa mga distressed OFWs kung kaya kahit sa patalim ay kumakapit sila.
Isa pa, natural sa ating mga Pilipino ang maging matulungin, lalo na sa ating mga kababayan.
So, kaakibat ng babala ng ating embahada ay dapat nilang doblehin ang pagtulong sa mga OFW na nagkakaroon ng problema sa kanilang mga employer upang hindi na sila mag-decide pa na basta na lang layasan ang kanilang employer.
Automatic
Ang suporta ay automatic dapat na ipinagkaloob ng ating mga embahada hindi lang sa mga OFW kundi sa lahat ng Pilipino sa labas ng bansa.
Isang halimbawa riyan ang kaso ng isang Pilipina na nagreklamo ng panggagahasa sa kamay ng isang Amerikanong sundalo at sa pagkakataong ito ay sa Japan naman.
Sa kaso ng mga OFW, hindi dapat lip service lang ang suporta ng ating pamahalaan sa kanila dahil una’y kababayan natin sila na tumatayong moog ng ating ekonomiya sa kanilang $14 bilyong remittance na ipinadala noong nakaraang taon.
|